Hindi umubra sa Malaysia ang strategy ng Young Pinay sa U-18
ni Anthony E. Servinio - @Sports | July 31, 2022

Uuwi na walang bitbit na tagumpay ang Pilipinas sa pagwawakas ng 2022 ASEAN Football Federation (AFF) Under-18 Women’s Championship Biyernes ng gabi sa Gelora Jakabaring sa Palembang, Indonesia. Yumuko ang kinatawan ng bansa sa Malaysia, 2-1, ang kanilang ikatlong sunod sa torneo.
Nagbago ng estratehiya si Coach Marnelli “Let” Dimzon at pinaupo muna si kapitana Isabella Flanigan. Nagbago din ng goalkeeper at ipinasok si Samantha Link kapalit ni Alexis Tan na nagbantay ng goal sa unang dalawang laro na parehong talo sa Australia (4-0) at Myanmar (2-1).
Hindi gumana ang mga pagbabago at agad nakadalawang goal ang 15-anyos na midfielder na si Nur Najwa Irdina Zaidi sa ika-apat at ika-walong minuto. Suspendido rin si defender Rae Mikella Tolentino na pinalabas ng reperi sa ika-84 minuto ng laro kontra Myanmar noong Miyerkules.
Napilitan ipasok si Flanigan at naitala niya ang kanyang pinakaunang goal sa torneo upang makalapit sa ika-53 minuto, 2-1. Subalit nanatiling matibay ang Malaysia at nakuha nila ang unang panalo matapos bumigay sa Myanmar (2-0) at Australia (8-0).
Bago nagsimula ang torneo, inamin ni Coach Dimzon sa pulong balitaan na limang linggo ang naging ensayo ng koponan. Nahirapan silang mabuo agad dahil ilan sa manlalaro ay galing pa sa mga probinsiya at sina Flanigan at defender Chantelle Maniti ay abala sa 2022 AFF Women’s Championship na nagwakas noong July 17.
Sa kasabay na laban sa Athletic Field, sumandal ang Australia sa nagpapanalong goal ni Ella Abdul Massih sa ika-65 minuto upang mabigo ang Myanmar, 2-1, at magtapos ng numero uno sa Grupo B.
Laro ngayong Linggo - Maguwoharjo Stadium, Sleman 9:00 p.m. Indonesia vs. Pilipinas





Comments