top of page

Hindi tambakan ng basura ang Pilipinas!!!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 25, 2020
  • 1 min read

@Editorial | October 23, 2020



Kung hindi ilegal na droga, literal na basura ang ipinapasok sa bansa.


Tulad nitong ilang container na naglalaman ng waste materials na naharang sa Subic Bay International Terminal. Napag-alamang dumating sa bansa ang mga container galing sa United States at idineklarang mga “American Old Corrugated Cartons for Repulping”. Gayunman, nang isailalim sa full examination ang mga kargamento ay natuklasang basura ang laman nito.


Tulad ng babala ng gobyerno, ang mga nasa likod ng ganitong kawalanghiyaan ay maaaring maharap sa kasong paglabag sa Section 1400 ng Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at paglabag sa environmental laws.


Ang tanong, bakit kaya nauulit ang ganitong insidente? Dump site ba ang tingin ng ibang bansa sa Pilipinas?


Hindi tuloy maiwasang mag-react ng ilan sa ating mga kababayan. Anila, posibleng may nagaganap na sabwatan at may mga nakikinabang, anumang bagay na ipinupuslit sa bansa.


Hirit ng iba, dahil bulok ang sistema sa bansa kaya ganu’n na lang tayo tambakan ng basura.


Mainam lang na nahaharang ng mga awtoridad pero, grabeng abala pa rin ang naidudulot, higit sa lahat, banta pa sa kalusugan.


Kaya ang panawagan sa gobyerno, mas pabigatin pa ang parusa laban sa mga gumagawa ng ganitong kababuyan nang hindi na pamarisan.


Kung kinakailangang mag-imbestiga nang malaliman ay gawin na rin. Maaaring hindi lang sa labas ng bansa nanggagaling ang problema.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page