Hindi patas ang hustisya hangga’t hindi naaayos at narereporma sistema, period!
- BULGAR

- Aug 2, 2020
- 2 min read
ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | August 2, 2020
Nagsalita na ang mga magulang sa kung ano ang gusto nilang paraan ng distance learning na gagawin ngayong darating na pasukan.
Ayon sa resulta ng Learner Enrollment and Survey Form ng Department of Education (DepEd), na inilabas nitong nakaraang linggo, lumalabas na 8.8 milyong mga magulang ang may gusto ng modular o ang paggamit ng mga self-learning module sa pag-aaral.
Samantala, 3.9 milyong mga magulang naman ang sumang-ayon sa blended learning, na kombinasyon ng modules, online classes, telebisyon at radyo.
Online learning naman ang pinili ng 3.8 milyong magulang, habang 1.4 milyon naman ay sa pamamagitan ng telebisyon ang pinili.
Para naman sa radio-based instruction, 900,000 ang pumili nito, habang kalahating milyon ang nagsabing gusto nila ng “other modalities”, na hindi naman idinetalye sa survey.
☻☻☻
Katulad ng nauna na nating sinabi sa pitak na ito at mungkahi na rin sa DepEd sa isang pagdinig sa Senado, na kailangan ding turuan ng DepEd tayong mga magulang kung paano isasagawa ang distance learning, kahit na ano pang paraan ang gagamitin nito.
Bagama’t sinasabing malaki ang gagampanang papel ng mga magulang upang maging matagumpay na maisagawa ang pag-aaral at inaasahan na tayo ay aalalay sa pagtuturo sa ating mga anak, hindi naman lahat ng mga magulang ay handa sa ganitong set-up.
Pinaka-apektado rito ay ang mga magulang na kailangan pa ring magtrabaho upang buhayin ang kanilang mga pamilya, mga nakatira sa malalayo at iyong mababa lamang ang inabot na edukasyon.
Kung kaya’t humihiling tayo sa DepEd na isaalang-alang din ang kapakanan ng mga magulang, lalo na iyong mga kabilang sa “vulnerable groups” na tulad ng naunang nasabi sa taas.
☻☻☻
Isa sa mga pinag-usapan nitong nakaraang State of the Nation Address (SONA) ng ating Pangulo ay ang pagbabalik ng death penalty para sa mga krimeng nakapalood sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Para sa inyong lingkod, hindi maganda ang timing ng naturang panukala, lalo ngayong dumarami ang nagkakasakit at namamatay dahil sa COVID-19.
Araw-araw ay may mga report ng mga namamatay. Imbes na pag-usapan kung paano mabubuhay ang mga tao ngayong pandemic ay death penalty ang gustong pag-usapan. Sana ay ituon muna natin ang ating atensiyon sa pandemic kung paano tayo mabubuhay at kung paano natin bubuhayin ang ating mga kababayan
At hanggang hindi maayos ang ating justice system, kawawa ‘yung mahihirap sapagkat hindi nila kakayaning magkaroon ng magagaling na abugado. Hindi patas ang hustisya hangga’t hindi natin naaayos at narereporma ang sistema.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang pahalaga ang kalusugan at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments