Hindi pala libre magpagamot sa Universal Health Care
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | December 27, 2022
DAGDAG-SINGIL SA TUBIG, DAGDAG-PAHIRAP SA MAMAMAYAN—Kumpirmado na pagpasok umano ng 2023 ay magtataas ng singil sa konsumo sa tubig ang Manila Water Co. ng P8.04 per cubic meter at Maynilad Co. ng P3.29 per cubic meter.
Nakupo, dagdag-pahirap na naman sa mamamayan.
Mataas na nga ang presyo ng mga bilihin, tapos magtataas pa ng singil sa konsumo sa tubig.
◘◘◘
DAPAT MAGTALAGA NA SI P-BBM NG HEAD NG DOH—Sa pagpasok pa rin ng 2023, inanunsyo ng Department of Health na posibleng pumalo sa mahigit 5K Pinoy daily ang tatamaan ng COVID-19.
Sana ay magtalaga na si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos ng permanent health secretary kasi kung magkakatotoo ang inanunsyo ng DOH, tapos wala pa ring head ang DOH, tiyak na pangulo ang sisihin ng mamamayan.
◘◘◘
PABIDA NI DUTERTE NA LIBRE MAGPAGAMOT SA UNIVERSAL HEALTH CARE, FAKE NEWS—Noong binabalangkas pa lang ang batas tungkol sa Universal Health Care, ang ibinibida ng Duterte administration ay sa pamamagitan nito, libre na ang mamamayan sa pagpapagamot sa private at public hospitals.
Pero 'yun pala ay fake news, may bayad pa rin ang magpagamot sa pribado at pampublikong pagamutan.
Saan kaya napunta ang 40% share ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) bilang charitable funds sa Universal Health Care?
Dahil may bayad pa rin ang magpagamot sa mga private at public hospitals, pinakamainam na gawin ay ibalik sa PCSO ang 40% share nito sa Universal Health Care kasi mas maraming natutulungan ang PCSO kaysa sa Universal Health Care.





Comments