top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

Hindi pa solved case ang Lapid killing

BULGAR
Oct 19, 2022
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | October 19, 2022


Dapat nating bigyan ng kredito ang pagsisikap ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) para maresolba ang pagpaslang sa hard-hitting broadcaster na si Percival Mabasa o mas kilala sa tawag na Percy Lapid.


Ito ay matapos sumuko sa tanggapan ng PNP ang umano’y hitman na si Joel Estorial noong Lunes—Oktubre 17, taong kasalukuyan, dahil umano sa labis na pressure at takot na siya naman ang itumba ng mastermind dahil sa hindi pulidong trabaho.


Sa mga unang pahayag ng sumukong gunman ay inamin nitong binayaran siya ng P500,000 para patayin si Lapid, ngunit dahil nailathala sa pahayagan at lumabas ang kanyang mukha sa telebisyon bukod pa sa reward na P6.5 milyon ay naobliga na itong sumuko.


Hindi natin binabalewala ang magandang development ng kaso ni Percy dahil abot-kamay na natin ang lahat para maresolba ang kasong ito ng buong-buo at walang matitira sa mga salarin na dapat managot.


Kaya nga hinihiling ko sa pamunuan ng PNP na huwag basta isasara ang kasong ito at huwag makontento sa pagsuko ng umano’y hitman dahil nakatuon ang publiko kung sino ang mastermind at ano ang tunay na dahilan kung bakit iniligpit si Percy.


Medyo naligalig lang ako ng bahagya dahil baka bigla na lamang isara ng pulisya ang kaso dahil ayon sa PNP manual ang isang kaso ay considered solved and closed “when the following elements concur: 1) the offender has been identified; 2) there is sufficient evidence to charge him; 3) the offender has been taken into custody; and 4) the offender has been charged before the prosecutor's office or court of appropriate jurisdiction.


Hindi ko rin sinasabing ito ang tinatahak na direksyon ng PNP dahil ang pagpapahayag ko ng pag-aalala ay base lamang sa kanilang PNP manual na kung tukoy na ang salarin, may sapat na ebidensya para kasuhan, nasa kustodiya at nasampahan na ng kaso ay ikinukonsidera ng solved at sarado na.


Hindi dapat basta na lang ikonsiderang solved ang kasong ito dahil marami pa sa mga sangkot ng sumukong hitman ang hindi pa nasasakote gayundin ang mismong mastermind na mas interesado ang publiko na matukoy at maparusahan.


Base sa pahayag ng sumukong salarin ay may tatlo pa siyang kasama nang isagawa niya ang krimen at naniniwala naman tayo sa kapasidad ng PNP na susunod nang masasakote ang mga ito na kasalukuyan pang nagtatago.


Nakababahala rin ang pahayag ng sumukong hitman na ang utos umano na kanilang natanggap para patayin si Percy ay mula sa loob ng Bilibid kaya kailangang mas palawakin at laliman pa ang imbestigasyon para maabot natin ang dulo ng lahat ng ito. Paano pa natin ikukulong itong mastermind, kung totoong nakakulong na pala ito? At ang mas nakababahala, paano nila naipararating ang kanilang utos sa labas?


Kaya nga agad kong ipinasa ang Resolution No. 264 na inaatasan ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na imbestigahan kung paanong naipagpapatuloy ng mga bilanggo na nasa loob ng New Bilibid Prison na gumawa ng kung anu-anong krimen sa labas ng piitan.


Hindi lang isang beses nating nabalitaan na ang ilang naglalakihang krimen hanggang sa distribusyon ng ilegal na droga ay karaniwang pinatatakbo ng mga bigtime na bilanggo at hindi malayong kaya rin nilang magpapatay—parang wala na yata itong katapusan.


Kung totoo ang sinasabi ng sumukong hitman, sobrang nakakagalit na silang mga ikinulong para mawalan ng kalayaan ay malaya pa ring nagagawa ang gusto nila at kaya pa nilang walain ang buhay ng sinomang nais nilang patayin.


Kalokohan na masyado na tila nagagamit pa ang government resources para bigyang proteksyon ang mga mastermind na kahit nakakulong ay kumakain sa tamang oras, may mga recreation hall, medical facility at iba.


Kaya sa PNP, huwag na huwag kayong bibitaw sa pagsasagawa ng imbestigasyon at kami naman sa Senado ay maghahanap ng paliwanag sa pamunuan ng New Bilibid Prison kung nangyayari pa rin ba ito o hindi para tuluyan na itong matuldukan.


Dapat kasing maisara ang kasong ito ng buong-buo at wala kahit isang sangkot sa krimen ang dapat makaligtas lalo pa at may ilang personalidad na pilit nang inililiko ang kasong ito sa pulitika para magamit sa sarili nilang interes.


Posible kasing kaya Bilibid ang itinuturo ng sumukong salarin para boses lang ang mastermind at sasabihin nitong sa telepono lamang niya ito nakausap tapos bigla nang mang-aagaw ng baril na magiging sanhi ng kanyang kamatayan.


Dobleng-proteksyon ang kailangang ibigay ng PNP sa sumukong salarin para hindi sila mapulaan ng publiko lalo pa at maraming grupo ang nakaabang sa kasong ito kaya dapat na walang mangyaring masama sa kanilang kaligtasan.


Sana ay hindi maging materyales sa pulitika ang naging kamatayan ng kaibigan kong si Percy dahil ang hangad ng pamilya at ng buong sambayanan ay ang buong-buong katarungan lamang.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page