Hindi pa rin kumpleto ang gabinete ni P-BBM, hmmm…
- BULGAR
- Jul 15, 2022
- 2 min read
ni Ka Ambo - @Bistado | July 15, 2022
KASAMA tayo sa nagdarasal sa mabilis na paggaling ni PBBM.
Kailangan siya ng bayan.
◘◘◘
SA totoo lang, ang stress ay isa sa malaking dahilan sa paghina ng immune system.
Kailangan ng Pangulo ang sapat na pahinga mula sa nakaririnding kampanya.
◘◘◘
KAHIT ang pagpili o pagbalasa sa gobyerno ay nakaka-stress.
Maaaring napapagitna rin siya sa kaliwa’t kanang rekomendasyon sa posisyon ng kanyang gabinete, siyempre, prayoridad ang makapili ng pinakamahusay at pinakamatino.
◘◘◘
BUKOD sa Department of Health, wala pang naitatalagang bagong kalihim sa Department of Energy.
May mga rekomendado kasi sa DoE na batbat ng alingasngas at alegasyon.
◘◘◘
INIREREKOMENDA ng Senado sa Ombudsman na sampahan ng kasong criminal ang nominado na idinadawit sa kaduda-dudang Malampaya deal na nagbigay ng halos 90% ng controlling stake sa negosyante.
Inirerekomenda rin na panatilihin.
ang mga alipores ni dating Energy Secretary Alfonso Cusi pero sinasabing mayroon silang mga bulilyaso.
◘◘◘
PAANO lilinisin ang departamento kung mananatili sa DOE ang mga katiwaliang isiniwalat sa mga tanggapan ng Philippine Electricity Market Corporation (PEMC), Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP), National Transmission Corporation at Malampaya?
Marami ang natutuwa sa mga naunang naitalaga ni PBBM sa puwesto ng mga kuwalipikado.
◘◘◘
PERO sa DOE ay dapat maging maingat.
Kailangan maipatupad ang isinasaad sa Memo No. 1 na nilagdaan ni Executive Secretary Vic Rodriguez.
Pero, nababahala ang marami dahil may nagrerekomenda na hindi isang Career Executive Service Officer (CESO) italaga sa posisyon.
Isang napakaselan at napakateknikal na kagawaran ang DoE ay dapat masunod ang nais ni PBBM na pinakamahuhusay ang ipuwesto sa pamahalaan.
◘◘◘
MAY kutsabahan sa mataas na singil sa konsumo ng elektrisidad.
Bahagyang naibsan ang pasakit ng taumbayan nang utusan ng Energy Regulatory Board ang Meralco na ibalik sa mga subscribers ang P28.1 bilyong sobra sa singil nito sa kuryente.
◘◘◘
HUWAG muna tayo magdiwang!
Sapagkat may mas mabigat kapag pinakinggan naman nitong ERC ang tatlong higanteng korporasyon—ang Meralco, ang South Premier Power Corporation at ang San Miguel Electricity Company (SMEC).
◘◘◘
UMAAPELA ang mga ito na makahulagpos sa probisyon ng fixed price sa loob ng kanilang Power Supply Agreement (PSA).
Sa madaling salita, gusto makatakas sa pinagkasunduang pirmes na presyo ng kuryente na itinatakda ng PSA.
◘◘◘
PUMASOK sa kasunduan o kontrata ang mga generator ng kuryente, tulad ng SMEC at SPPC upang mag-supply ng power at ito ay bibilhin ng mga distribution utility, tulad ng Meralco upang i-distribute ang kuryente sa mga customers o end-users.
Ang kasunduan ng Meralco sa SMEC at SPPC ay fix-price ang per kilowatt-hour, upang maproteksyunan ang mga customer nila sa pabago-bagong presyo.
◘◘◘
ALAM natin na ang mga produktong petrolyo at coal ang kalimitang gamit na panggatong sa pag-produce ng kuryente.
At gusto ng mga korporasyon sa balewalain ang kasunduan at magtaas ng presyo.
◘◘◘
HINDI yata makatwiran ito.
Sa panahong hindi pa halos nakakatindig ang taumbayan bunga ng dagok ng pandemya, dagdag-singil ang ipapa-pasan ninyo sa kanila?
Malinaw na kasakiman ang pagpapawalambisa sa PSA na siyang nagbibigay-proteksyon mismo sa mga subscribers.








Comments