HIndi lang sa P20 per kilo ng bigas ‘naunggoy’ ang mga Marcos loyalist, kundi pati sa 1 milyong pabahay taun-taon
- BULGAR
- Jan 8, 2024
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Enero 8, 2024
DAPAT MAHUBARAN NG MASKARA ANG UTAK SA FAKE NEWS NA DESTAB PLOT VS. MARCOS ADMIN -- Iniutos nina Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Benjamin Acorda at Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief Gen. Romeo Brawner sa kanilang mga tauhan na tugisin at dakpin ang mga nasa likod ng pagpapakalat ng fake news patungkol sa destabilisasyon laban sa Marcos administration.
Sana madakip agad para mahubaran ng maskara at makilala ng publiko kung sino ang utak ng pagpapakalat ng fake news na destab plot laban sa gobyerno ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM), period!
◘◘◘
DAPAT IBALIK SA MANU-MANO ANG HALALAN SA ‘PINAS KASI MAS PALPAK PA RAW ANG MIRU KAYSA SMARTMATIC -- Ayon sa election watchdog na Democracy Watch (DW) ay may posibilidad daw na magkaroon ng failure of election sa 2025 midterm election sa bansa kapag ang South Korean firm na Miru Systems Inc. Ltd. ang namahala sa automation election sa Pilipinas kasi anim na bansa raw na ang kumpanyang ito (Miru) ang namahala ay nagkaroon ng mga failure of election.
Aba’y kung ganyan na mas palpak pa ang Miru kaysa Smartmatic ay ibalik na lang ang manu-manong halalan sa ‘Pinas, boom!
◘◘◘
AKALA NG MGA MARCOS LOYALIST MAGIGING P20 NG BIGAS, IYON PALA MAS MAGMAMAHAL PA, AABOT SA P60 PER KILO NG RICE -- Nagbabala ang grupong “Bantay Bigas” na sa mga susunod na araw ay posible raw pumalo sa P60 ang pinakamababang presyo ng per kilo ng bigas sa Pilipinas.
Kapag nangyari ‘yan ay d’yan lang mapagtatanto ng milyun-milyong Marcos loyalists na “naunggoy” sila sa campaign promise ni P-BBM na P20 per kilo ng bigas kasi imbes bumaba ang presyo ng bigas sa bansa ay mas magmamahal pa pala per kilo ng bigas sa ilalim ng Marcos admin, tsk!
◘◘◘
1 MILYONG PABAHAY NA PROMISE NI P-BBM, PANG-UUNGGOY DIN SA MGA PINOY -- Hindi lang ang P20 per kilo ng bigas ang ginawang pang-uunggoy ni P-BBM sa mamamayan, kundi pati ang promise nitong gagawa ang Marcos admin ng isang milyong pabahay taun-taon.
Higit isang taon at kalahating buwan na kasi sa puwesto si P-BBM, pero wala pang 100K pabahay ang naipatayo ng kanyang administrasyon, boom!





Comments