top of page

Hindi lang ang mga ex ng aktres… PBBM AT FIRST LADY LIZA, DUMATING SA HULING BUROL NI NORA

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 23, 2025
  • 2 min read

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Apr. 23, 2025



Photo: PBBM sa wake ni Nora - Nora Aunor National Artist



Nagulat ang marami at halos hindi na nakilala si Cocoy Laurel nang dumalaw sa burol ni Nora Aunor sa The Heritage Park sa Taguig. 


Nagkapareha sina Cocoy at Nora sa pelikulang Lollipops and Roses at Burong Talangka. Matinee idol ang porma noon ni Cocoy dahil mestiso at rich kid. Tinanggap si Cocoy ng mga tagahanga ni Nora. 


Dalawang beses na sumilip sa The Heritage si Cocoy Laurel. Noong last night ng burol ay nagpaunlak siya ng interbyu sa mga TV reporters. 


Ibang-iba na ang hitsura ngayon ni Cocoy, hukot na siya at laging nakasuot ng dark hoodie. Nawala na ang dating tikas ng katawan niya.


Maging si Manny de Leon na isa sa mga aktor na nakapareha ni La Aunor ay hindi na rin halos makilala. Medyo nagkaedad na siya at tumaba, kaya malayung-malayo sa mga naging leading man noon ni Guy na sina Christopher de Leon at Tirso Cruz III. 


Ganoon din naman si Juan Rodrigo na nakapareha ni Guy sa limang pelikula. Minahal din ng mga Noranians si Juan Rodrigo dahil mabait siya at maalaga sa Superstar.


Samantala, natuwa ang mga Noranians nang dumating sa huling lamay ng kanilang idolo ang Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at si First Lady Liza Araneta-Marcos. 


Naroroon din ang mag-aamang dating Pangulong Joseph Estrada (naging karelasyon din ni Guy), Sen. Jinggoy Estrada at Col. Jude Estrada. 


Nagpasalamat din ang mga anak ni Nora Aunor sa pagpupugay at pagbibigay ng importansiya at pagkilala ng marami sa kanilang inang si Nora Aunor.



Dumating at nakiramay sa mga anak ni Nora Aunor sina Sen. Robin Padilla, Phillip Salvador at Sen. Bong Go nang ihatid ang Superstar sa Libingan ng mga Bayani kahapon. 


Naroon din sina Liz Alindogan at Portia Ilagan, Nadia Montenegro at iba pang malalapit na kaibigan ni Guy. 


Napaka-solemn ng seremonya bago ang libing. 


Nagpahatid naman ng taos-pusong pasasalamat sina Ian de Leon, Lotlot, Matet, Kiko, at Kenneth sa lahat ng dumamay sa kanilang pamimighati.


Samantala, dumagsa ang mga Noranians sakay ng iba’t ibang bus para ihatid ang idolo nilang Superstar sa Libingan ng mga Bayani. 


Nag-iiyakan at nagkakantahan sila ng Superstar ng Buhay Ko at hindi ininda ang matinding init ng araw nu’ng tanghaling tapat. 


Well-behaved at maayos naman ang iba’t ibang grupo ng mga Noranians habang ginaganap ang seremonya. Mistulang grand reunion ng mga Noranians ang naganap na paghahatid sa Superstar-National Artist sa kanyang huling hantungan. Bakas na bakas ang kalungkutan sa mukha ng mga Noranians ngayong wala na ang idolong Superstar.




MARAMING Noranians naman ang nagtatanong kung saang sinehan muling ipapalabas ang pelikulang Pieta na isa sa mga huling pelikula na ginawa ni Nora Aunor.


Nag-announce kasi si Konsehal Alfred Vargas na muling ipapalabas ang Pieta sa mga sinehan at ito ay LIBRENG MAPAPANOOD. 


Kaya naman, excited na ang mga Noranians na mapanood ito dahil napakamahal ng bayad ngayon sa mga sinehan. Kaya kahit gustuhing manood ng mga fans ni Nora ay hindi nila magawa.


Magandang idea ang naisipan ni Alfred Vargas (bilang producer ng Pieta) na muli itong ipalabas sa mga sinehan, at libre sa lahat.

1 Comment


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page