Hindi katanggap-tanggap na may nanraraket sa panahon ng pandemya
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | July 8, 2022
DROP BALLS AT COLOR GAMES, MAPANGANIB SA PANAHON NG PANDEMYA—Sa panahon ng pandemya, mapanganib ang mga pasugalang drop balls at color games dahil nagkukumpulan ang mga mananaya, na ‘ika nga, nalalabag ang health protocols at para maiwasan ang hawaan ng COVID-19, noong June 10, 2022 ay nagdeklara ng “one strike policy” si P/Maj. Gen. Valeriano de Leon, director for operations ng Philippine National Police (PNP) laban sa mga hepe ng pulisya na nagpapabaya sa kampanya laban sa mga peryahang may mga ganitong uri ng pasugalan.
Kaya lang, tila bingi ang mga hepe ng pulisya sa direktibang ito ni Gen. De Leon kasi hanggang ngayon ay nagkalat pa rin ang operasyon ng mga drop balls at color games sa iba’t ibang panig ng bansa, boom!
◘◘◘
MGA HEPE NA NANDEDMA SA UTOS NI GEN. DE LEON, LAGOT—Isa si Gen. De Leon sa mga police general na kandidato for Chief PNP sa ilalim ng Marcos administration.
Kapag si Gen. De Leon ang napili ni Pres. Bongbong Marcos na maging hepe ng PNP, tiyak na lagot ang mga hepe ng pulisya na nandededma sa kautusan niya na ipatigil ang operasyon ng mga drop balls at color games sa mga peryahan, period!
◘◘◘
HEPE NA PABAYA SA DROP BALLS AT COLOR GAMES SA LAGUNA, DAPAT SIBAKIN—Sa mga probinsya, ang may pinakamarami umanong operasyon ng drop balls at color games ay Laguna.
Sa ngayon, nagkalat na ang raket na drop balls at color games operations nina “Aling Tessie” at “Baby Panganiban” sa mga lugar nina Biñan City Mayor Arman Dimaguila, Cabuyao City Mayor Dennis Hain, Calamba City Mayor Ross Rizal, Sta Rosa City Mayor Arlene Arcillas, Pagsanjan Mayor Cesar Areza, Bae Mayor Joe Padrid at Siniloan Mayor Rainer Leopando, pawang sa Laguna.
Dapat ipag-utos ng mga alkalde sa mga hepe ng pulisya sa kanilang nasasakupan na dakpin ang mga gambling lords at ipatigil ang operasyon ng drop balls at color games at kung hindi susundin ay irekomenda nila kay PNP-Officer-in-Charge (OIC) Gen. Vicente Danao na sibakin ang mga ito at palitan ng mga bagong hepe na may dibdib bumangga sa mga gambling lords, boom!
◘◘◘
SA PANAHON NG KRISIS HINDI KATANGGAP-TANGGAP NA MAY MGA NANRARAKET PA SA ATING MGA KABABAYAN—Hanggang ngayon ay nasa krisis pa rin ang bansa, marami ang naghihirap dahil patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at bayarin dulot ng pandemya at digmaan ng Russia at Ukraine, tapos ang mahihirap nating kababayan ay binibiktima pa ng mga gambling lords sa raket nilang drop balls at color games.
Hindi katanggap-tanggap na naghihirap na ang ating mga kababayan, tapos niraraket pa sila ng mga gambling lords, kaya’t kung walang gagawing aksyon dito ang mga nabanggit nating mga alkalde at mga chief of police, ang dapat nang umaksyon dito ay mismo, si Laguna Gov. Ramil Hernandez, period!





Comments