Hindi garahe ang kalsada

by Info @Editorial | September 15, 2026

Hindi parking lot ang kalsada. Muling naging malinaw ang problemang ito matapos masagi ng isang fire truck ang isang kotse na naka-double parking habang rumeresponde sa emergency.
Sa ganitong sitwasyon, hindi simpleng abala ang maling paradahan. Maaari itong maging hadlang sa pagligtas ng buhay at ari-arian.
Kapag may sunog, bawat segundo mahalaga. Walang panahon ang mga bumbero para makiusap sa may-ari ng sasakyan, maghanap ng alternatibong ruta o magmaniobra nang paulit-ulit dahil may mga kotseng ginawang pribadong garahe ang pampublikong kalsada.
Dito kailangang maging malinaw ang prinsipyo: ang convenience ng isang motorista ay hindi maaaring manaig sa kaligtasan ng buong komunidad.
Matagal nang problema ang illegal parking sa maraming lugar. May single lane na nagiging kalahating lane. May masikip nang kalye na lalo pang sumisikip dahil sa double parking at iba pang nakaharang. At kadalasan, tila normal na lamang ito hanggang ambulansya, police vehicle o fire truck na ang hindi makadaan.
Kung walang sariling parking space, hindi awtomatikong parking space ang kalsada. Ang sasakyan ay pribadong pag-aari. Ang kalsada ay para sa publiko. Kapag hinarangan ito, hindi lamang trapiko ang ginagawang problema. Sa oras ng emergency, maaaring humarang sa pagitan ng saklolo at ng taong naghihintay nito.



Comments