top of page
Search

by Info @Editorial | Apr. 26, 2025



Editorial

Sa bawat eleksyon, muling sumusulpot ang matagal nang suliranin ng vote-buying — isang lantad na anyo ng katiwalian na sumisira sa integridad ng demokrasya sa bansa. 

Sa kabila ng paulit-ulit na babala ng Commission on Elections (Comelec), tila nananatiling inutil ang mga kampanya laban dito, habang patuloy na ginagamit ng ilang kandidato ang salapi upang bilhin ang boto ng mamamayan.


Ngayong mas mulat na ang taumbayan, lalong tumitindi ang panawagan: panagutin ang lahat ng sangkot — hindi lamang ang mga mamimili, kundi lalo’t higit ang mga nagbibigay. Hindi sapat ang pagkumpiska ng perang ipinamimigay o ang pagkakaso sa ilang maliliit na tauhan. Kailangang maabot ang mga nasa itaas — ang mga opisyal at kandidatong ginagamit ang yaman para makakuha ng kapangyarihan.


Hamon ito sa Comelec, huwag manatili sa mga babala. Gumamit ng teknolohiya, paigtingin ang ugnayan sa mga law enforcement agencies, at higit sa lahat, gawing mas mabilis at tiyak ang pagpataw ng parusa. Dapat ipakita na ang batas ay gumagana.


Hindi matatapos ang vote-buying kung patuloy na magbubulag-bulagan ang mga institusyon sa halip na tuluyang panagutin ang mga tunay na nasa likod nito. 

 
 

by Info @Editorial | Dec. 8, 2024



Editorial

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), tumaas ang unemployment at underemployment rate nitong Oktubre. 


Kabilang umano sa dahilan ng pagtaas ng bilang ng mga walang trabaho ay ang magkakasunod na bagyong tumama sa bansa. 


Oktubre, nasa 3.9% ang jobless rate sa bansa na mas mataas sa 3.7% noong Setyembre. Katumbas ito ng 1.97 milyong Pinoy na walang trabaho. 


Ang underemployment rate naman, tumaas sa 12.6% noong Oktubre mula sa 11.9% noong Setyembre. Katumbas ito ng 6.08 milyong manggagawang Pinoy na underemployed. Mataas ito nang bahagya kumpara sa 5.94 milyong underemployed noong Setyembre. 


Ang paglobo ng mga walang trabaho ay isang patunay na may mga kailangang baguhin at pagtuunan sa ating sistema. 


Isa sa mga pangunahing dahilan ng mataas na unemployment rate ay ang kakulangan ng mga pagkakataon para sa mga manggagawa, lalo na sa mga kabataang naghahanap ng trabaho. 


Ang mismatch ng mga kasanayan at ang pangangailangan sa merkado ay isa ring hadlang sa paghahanap ng trabaho. 


Bukod dito, may mga sektor ng ekonomiya na patuloy na nalulugmok, tulad ng agrikultura at ilang bahagi ng industriya. Sa mga ganitong kalagayan, nawawala ang mga trabaho na dati ay umaasa ang maraming tao. 


Kailangang pagtuunan ng pansin ang pagpapalakas ng mga kasanayan ng mga manggagawa at pagbibigay ng makabagong edukasyon at pagsasanay. 


Dapat ding bigyan ng insentibo ang mga industriya na magbigay ng mga trabaho at magkaroon ng inclusive na pag-unlad, kung saan ang bawat sektor ay may pagkakataong umangat. 

 
 

@Editorial | April 22, 2024



Umabot na sa 1.7 milyong katao ang apektado ng mainit na panahon dulot ng El Niño phenomenon.


Partikular na tinukoy ay sa Regions 2, 3, Mimaropa, 5, 6, 7, 9, 12 at Cordillera Administrative Region.


Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), patuloy naman ang kanilang pagsubaybay at pagbabantay sa mga pamilyang apektado ng tag-init at mapaglaanan ng tulong ang mga ito kung kinakailangan.


Nagkakaloob na rin umano sila ng family food packs at financial assistance sa mga pamilya na apektado ng El Niño.


Batid naman natin na ang mga magsasaka ang matinding naapektuhan dahil sa hindi

magandang ani na resulta ng mainit na panahon gayundin ang mga mangingisda na hindi gaanong makapaglayag dahil sa tindi ng init. Kaya sila ang masasabing higit na nangangailangan ng tulong.


Umaasa tayo na ipagpapatuloy ng gobyerno ang pagtugon sa gutom at paggawa ng paraan kung paano sila higit na matutulungan sa kanilang kabuhayan.


Kailangang mabigyan ang mga magsasaka at mangingisda ng alternatibong hanapbuhay. Sa pamamagitan nito, walang mapipilitang magbuwis-buhay sa matinding init para may pantustos sa pangangailangan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page