Hindi doktor ang bagong opisyal sa DOH, retired general!
- BULGAR
- Oct 24, 2022
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | October 24, 2022
DAPAT MATAPOS NA ANG PAMBEBEYBI NG MGA SEN. AT CONG. SA MGA ALAGA NILANG KAPITAN NA PALAGING NABIBIYAYAAN SA POSTPONEMENT NG BGY. AT SK ELECTIONS—Sa oral arguments sa Supreme Court sa pagkuwestyon ni election lawyer Romy Macalintal sa legalidad ng postponement ng barangay at Sangguniang Kabataan election na nakatakda sana ngayong Dec. 5, 2022, tinanong ng mga mahistrado si Comelec Chairman George Garcia kung handa itong ituloy ang halalang pambarangay sakaling maglabas sila ng temporary restraining order at ang tugon ng Comelec chairman ay hindi na, gahol na raw sila sa panahon.
Ang nakapukaw-pansin sa publiko sa isyung ito ay nang sabihan nina Chief Justice Alexander Gesmundo at Associate Justice Ricardo Soriano si Garcia na sa loob ng 15-araw ay magsumite ito ng pinakamalapit na petsa ng buwan na puwedeng idaos ang halalang pambarangay, na kung pakasusurin ang kautusang ito ng dalawang mahistrado ay tila idedeklara ng SC na labag sa Konstitusyon na i-postpone ang barangay at SK elections, na dapat matuloy ang eleksyon.
Kapag iniutos ng SC na ituloy ang halalang pambarangay dahil laban sa Konstitusyon na ipagpaliban ito, tapos na ang pambebeybi ng mga senador at kongresista sa mga alaga nilang kapitan ng barangay na palaging binibiyayaan nila ng pananatili sa puwesto sa pamamagitan ng madalas na pag-postpone sa barangay at SK elections.
◘◘◘
DAPAT DOKTOR ANG ITINALAGA SA DOH, HINDI RETIRED GENERAL—Nabatikos na naman si Pres. Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. dahil sa pagtalaga niya kay ret. Police General Camilo Cascolan bilang undersecretary ng Department of Health.
Sa totoo lang, mababatikos talaga si P-BBM kasi sablay ang ginawa niya dahil ang dapat itinatalaga sa DOH ay doktor at hindi retiradong heneral!
◘◘◘
DROP BALLS AT COLOR GAMES, LAGANAP NA SA BUONG LUZON—Laganap na sa Luzon ang color games at drop balls ng mga ilegalista kasi mula south to north ay namamayagpag ang ganitong uri ng raket ng mga gambling lords.
Lantaran na ang ganitong raket nina "Aling Tessie" sa Tanauan City, Batangas; "Baby Panganiban" sa crossing, Calamba City, Laguna; "Egay" sa Kawit, Cavite; "Uldak" sa Urdaneta City, Pangasinan; "Edna" at "Jimmy" sa Magsaysay Road at "Nestor" sa Kayang Hill Top, Baguio City.
Sa kabila na garapalang niraraket ng mga ilegalistang ito ang ating mga kababayan sa mga lugar ay walang aksyon sina Batangas PD, Col. Glicerio Cansilao; Laguna PD, Col. Cecilio Ison; Cavite PD, Col. Arnold Abad; Pangasinan PD Col. Jeff Panged at Baguio City chief of police, Col. Glenn Lonogan para ipatokhang ang mga ilegalista.
◘◘◘
ANG LAKI NG TIWALA NI GEN. AZURIN KAY MPD GEN. DIZON PERO WALANG AKSYON LABAN SA BOOKIES KUNG AND QUEEN NG MAYNILA—Sa limang district director ng PNP sa Metro Manila, tanging si Brig. Gen. Andre Dizon ng Manila Police District (MPD) lang ang inaprub ni PNP Chief Gen, Rodolfo Azurin na maging permanente na sa kanyang posisyon kasi ang apat na heneral na ipinuwesto sa Quezon City Police District, Southern Police District, Northern Police District at Eastern Police District ay mga nasa acting positions lang, hindi pa permanent.
Ang masaklap sa isyu, sa laki ng tiwala ni Gen. Azurin kay MPD Director Gen. Dizon, nang magpalabas ng kautusang "Onetime Bigtime operations" ang PNP chief para dakpin ang mga gambling lords ay walang ginawang aksyon ang MPD head para ipaaresto sina bookies King Boy Abang at bookies queen Lorna sa Maynila.





Comments