Himutok ni Lacson, gusto niyang maging presidente tapos may mga nagpapaatras sa kanya
para suportahan sinuman kina Pacman at Leni
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | April 11, 2022
MASAMANG PA-BELATED HAPPY BIRTHDAY KAY GMA – Sa nakaraang kaarawan ni former Pres. Gloria Macapagal-Arroyo ay inimbitahan nito sina presidential candidate, former Sen. Bongbong Marcos at vice presidential candidate, Mayor Sara Duterte, at pagkaraan ay iniharap at inendorso ang kandidatura ng dalawa (BBM at Sara) sa may 9,000 taga-Pampanga.
Makalipas ang apat na araw ay nagdaos naman ng people's rally si presidential candidate, Vice Pres. Leni Robredo sa Pampanga at shocked ang kapulisan sa rami ng mga Kakampink na dumalo dahil pumalo ito ng mahigit 220,000 katao.
Sa totoo lang, 'yang ipinakitang suporta ng mga taga-Pampanga kay VP Leni ay napakasamang belated happy birthday kay GMA, boom!
◘◘◘
KAPAG NATALO ANG BBM-SARA SA PAMPANGA, KAHIYA-HIYA SI GLORIA – Dapat kumayod nang husto si GMA sa Pampanga para maipanalo sa lalawigang ito ang BBM-Sara tandem.
Kung pakasusuriin kasi ang dami ng mga taga-Pampanga na nagpakita ng suporta kay VP Leni ay masasabing "may tulog" sa balwarte ng ex-president sina Bongbong at Sara, at kapag nangyari 'yan na natalo sa teritoryo ni Gloria ang BBM-Sara tandem ay lalabas na kahiya-hiya siya sa publiko dahil hindi niya naipanalo sa lugar niya ang kanyang mga manok sa eleksyon, period!
◘◘◘
HIMUTOK NI LACSON – Naghihimutok na naman si presidential candidate, Sen. Ping Lacson kasi matapos isangguni ni vice presidential candidate Lito Atienza na umatras na siya sa presidential race at suportahan na lang ang kandidatura ni Sen. Manny Pacquiao, ay may mga grupong nagpapaatras na naman daw sa kanya sa laban sa presidential election para suportahan ang kandidatura ni VP Leni.
Sa totoo lang, masakit sa damdamin ni Lacson ang mga ganyang uri ng panawagan sa kanya, kasi gustung-gusto niyang maging presidente, tapos may mga taong gusto siyang paatrasin sa presidential race, boom!
◘◘◘
PAALIS NA SA MALACAÑANG SI P-DUTERTE, NAGPI-FAKE NEWS PA SIYA LABAN SA ABS-CBN?! – Sa campaign sortie ng PDP-Laban sa Cebu ay ipinagpilitan ni P-Duterte na may utang na buwis sa pamahalaan ang ABS-CBN kaya hindi ito binigyan ng prangkisa ng kanyang gobyerno, kahit na mismong BIR (Bureau of Internal Revenue) na ang nagsabi na walang utang na buwis sa gobyerno ang Kapamilya network.
Hay naku, higit dalawang buwan na lang sa Malacañang si P-Duterte, pero hanggang ngayon ay nagpi-fake news pa rin siya laban sa ABS-CBN, tsk!





Comments