top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Higit na kailangan… Higit na matatag at epektibong PCGG

BULGAR
Aug 28, 2022
2 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 28, 2022


Madalas nating marinig noon ang kasabihang galing, “Ang hindi marunong lumingon sa nakaraan ay hindi makararating sa kanyang paroroonan.” Ito marahil ang pinakamabisang sagot sa mga tropang “Kailangang mag-move on na tayo.” At ganito rin ang pananaw nina Cagayan de Oro Representative Rufus Rodriguez at Cavite Representative Elpidio Barzaga, hinggil sa papel ng Presidential Commission on Good Government (PCGG).


Ano nga ba ang dahilan kung bakit nabuo ang PCGG? Hindi ba’t ganon na lang ang galit ng taumbayan ng lumabas ang iba’t ibang impormasyon tungkol sa “nakaw na yaman” ng mga Marcos?


Ayon kay Stephen Solarz, humigit kumulang $10 bilyon ang tinatayang nawala noong panahon ng mga Marcos. At ayon naman kay Bernie Villegas, ang halagang nawala noong panahon ng mga Marcos $13 hanggang $ 30 bilyon. At meron ding mahabang listahan ng mga gusaling binili sa Estados Unidos at sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Hindi maliit na halaga ang nawawala at hindi rin madaling hanapin.. Kaya’t kinakailangan ang mahusay na institusyon na tutulong sa paghahanap at pagbabalik ng nawawalang yaman o ang ninakaw na yaman.


Samantala, sa mga nagdaang araw, mapapansin ang pagtitipun-tipon ng mga biktima ng Martial Law at ang mamamayang hindi papayag sa mababaw na panawagang “mag-move on na lang tayong lahat.” Ang kanilang sigaw ay "Never Forget", "Never Again to Martial Law!”


Madalas kong sabihin at isulat ang malaking kakulangan at pagkakamali ng ating mga naunang mga pinuno. Noong matapos ang Pangalawang Pandaigdigang Digmaan o World War II, mabilis itinatag ng mga Hudyo ang tinatawag na Holocaust Education sa Israel. Ang pag-aaral tungkol sa nangyari sa anim na milyong Hudyo na namatay sa mga naturang “concentration lager” o concentration camps sa Alemanya, Polonya at sa iba pang bansa sa Europa ay hindi “compulsory, required” para sa lahat ng mag-aaral. Ang lahat ng magaaral na bata ay tinuturuan tungkol sa mga ginawa ni Adolf Hitler sa mga Hudyo. Subalit merong bagong hamong dapat harapin. Dahil sa lumalaganap na epekto ng social media na pumapatay o maaaring humihigit pa kaysa sa nagagawa ng mga paaralan, maririnig na ngayon ang ganito sa mamamayan ng iba’t ibang bansa: Sa Alemanya: Ayokong marinig ang anuman tungkol sa Holocaust. Sa Estados Unidos: Ayoko na marinig ang anuman tungkol sa mga Indians. At sa mga Israeli: Ayoko na marinig ang anuman tungkol sa mga Palestino.


At sa ating bansa, ang dalawang institusyon na pinagmumulan ng negatibong pananaw tungkol sa kasaysayan at sa katotohanan ay ang pulitika at ang media, lalung-lalo na ang social media.


Isa-isa na nilang pinupuntirya ang mga institusyon na lumaban at lumalaban parin para sa katotohanan at kasaysayan. Isa na ang PCGG.


Ngayong Miyerkules ay ang ika-18 taong anibersaryo ng kamatayan ni Jaime Cardinal Sin. Magandang itanong at pagnilayan ang mahalagang ambag ng butihing Cardinal. Kung buhay pa kaya si Jaime Cardinal Sin, ano kaya ang kanyang sasabihin sa mga ginagawa at sinasabi ng mga kasalukuyang namumuno sa ating bansa? Ano kaya ang kanyang sasabihin tungkol sa panukalang tanggalin na ang PCGG?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page