Higit 700 pamilya, inilikas sa QC dahil sa baha
ni Ronalyn Seminiano Reonico | July 25, 2021

Umabot sa 745 pamilya mula sa 11 barangays sa Quezon City ang inilikas noong Sabado nang hapon dahil sa baha na dulot ng Habagat o Southwest Monsoon na pinalalakas ng Bagyong Fabian.
Nang isailalim sa Orange Alert status ang lungsod, kaagad na nagsagawa ng search and rescue operations ang Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office (QCDRRMO) sa mabababang lugar kabilang na ang Bgy. Apolonio Samson, Bagong Silangan, Tatalon, Doña Imelda, Roxas, Batasan Hills, Masambong, Sta. Monica, Kristong Hari, Damayang Lagi, at Holy Spirit.
Noong Miyerkules pa lang ay naghanda na ang QCDRRMC na pinangunahan ni Mayor Joy Belmonte para sa posibleng evacuation. Saad ni QCDRRMO Head Karl Michael Marasigan, “Mayor Joy has ordered the QCDRRMO to prepare for the worst case scenario kaya simula pa lang ng paunti-unting ulan, nag-ikot na tayo sa mga barangays para ialerto sila. Ang QC ay laging naghahanda sa mga ganitong klaseng kalamidad para hindi na mailagay sa alanganin ang mga residente.”
Mayroon din umanong tauhan ng QCDRRMO at City Social Services Development Department (SSDD) sa mga evacuation centers upang masiguro ang suplay ng pagkain at iba pang pangangailangan ng mga evacuees. Samantala, mahigpit ding binabantayan at sinisiguro na nasusunod ang mga ipinatutupad na health and safety protocols sa loob ng mga evacuation areas.





Comments