Herb Cebu FC, solo sa tuktok ng PFL standings
- BULGAR
- Sep 26, 2022
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | September 26, 2022

Nag-iisa na ang Dynamic Herb Cebu FC sa tuktok ng 2022-2023 Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways matapos parusahan muli ang Mendiola FC 1991, 6-2, noong Sabado sa Imus Grandstand sa Cavite. Hindi nagpahuli ang mga beterano ng Stallion Laguna FC at tinalo ang Azkals Development Team, 2-0, sa kasabay na laro sa Rizal Memorial Stadium.
Halos walang pinagkaiba ang pangalawang pagkikita ng dalawang koponan kung saan wagi rin ang Gentle Giants, 7-1, noong Setyembre 16. Humaba sa apat ang sunod-sunod na panalo ng Cebu upang umakyat sa 17 ang kanilang puntos at lampasan ang nagpapahingang Kaya FC Iloilo na may 15 puntos.
Lumamang agad ang Cebu, 2-0, sa mga goal nina Chima Uzoka (17’) at Jeremiah Borlongan (37’). Nabawi ng Mendiola ang isang goal bago magwakas ang first half sa bisa ng penalty kick ni Junior Sam matapos siyang pabagsakin ng malakas malapit sa goal ng Cebu.
Ibinalik ni Daniel Gadia ang lamang ng Gentle Giants sa dalawa sa ika-50 minuto subalit sinagot ito agad ni Jimson Crestal sa ika-67 minuto at iyan na ang naging huling hirit ng Brave Men. Biglang gumuho ang kanilang depensa na nagresulta sa pangalawang goal ni Uzoka (81’) at sinundan ng dalawa pa buhat kay Roberto Corsame sa ika-87 at ika-90 minuto bago wakasan ng reperi ang laban.
Napantayan ni Uzoka ang kakamping si Arda Cinkir sa karera para sa Golden Boot na parehong may tig-pitong goal sa torneo. Pangatlo si Jarvey Gayoso ng Kaya na may anim na goal.
Samantala, sumandal ang Stallion sa tig-isang goal ni Abou Sy sa first at second half upang mabigo ang Azkals. Mahalaga para sa Stallion ay napigil na ang kanilang tatlong sunod-sunod na talo at pumantay ang kartada sa 3-3 panalo talo para sa 9 na puntos at manatili sa ika-apat na pwesto sa pitong koponan.
Comments