ni Anthony E. Servinio @Sports | November 11, 2023
Lumasap ng hiwalay na mapapait na resulta ang mga kinatawan ng Philippines Football League (PFL) Dynamic Herb Cebu FC at Stallion Laguna FC sa pagbubukas ng Round Two ng 2023-2024 AFC Cup. Bunga nito, malaki ang bubunuin nila upang mapabilang sa playoffs ng prestihiyosong torneo.
Naisalba ng host Shan United ng Mynmar ang 1-1 tabla sa Cebu noong Miyerkules sa Thuwunna Stadium sa Yangon. Matapos ang walang goal na first half, nakauna ang Gentle Giants salamat kay Roberto Corsame at inalagaan ito bago nahuling natulog ang kanilang depensa at naihabol ni Zwe Khant Min ang panablang goal sa ika-81 minuto.
Nanatili sa pangatlong puwesto ang Cebu na may apat na puntos sa Grupo F. Kailangang walisin ang kanilang nalalabing dalawang laro sa MacArthur ng Australia at Phnom Penh Crown ng Cambodia.
Malaking disgrasya ang sinapit ng Stallion sa pagdalaw sa kanila ng Terengganu sa Binan Stadium noong Miyerkules at sinayang ang malaking lamang upang mabigo, 2-3. Halos walang pinagkaiba ang kuwento sa una nilang tapatan noong Oktubre 26 din kung saan napilit ng mga Malaysian ang 2-2 tabla.
Gaya noon, itinala nina Junior Sam (3’) at Griffin McDaniel ang mga pambungad na goal para sa maagang 2-0 bentahe. Biglang aksidenteng naulo papasok ni Matthew Nierras ang bola sa kanilang goal sa ika-33 at hindi ito napigil ni goalkeeper Nelson Gasic.
Samantala, maghaharap ngayong Sabado ang Kaya Iloilo FC at Manila Digger FC para sa kampeonato ng 2023 PFF Women’s League sa Rizal Memorial simula 7 p.m. Bago noon, paglalabanan ng dating kampeon De La Salle University at Far Eastern University ang Third Place sa 4 p.m.
Comentarios