Healthcare workers sa bansa, pakonti nang pakonti, 'anyare?
ni Ryan Sison - @Boses | May 23, 2022
Problemado ang ilang pribadong ospital dahil sa posibilidad na mabawasan ang mga nurses sa bansa.
Nagpahayag din ng pangamba ang pamunuan ng Philippine General Hospital (PGH) sa ‘exodus’ o pag-alis ng marami sa kanilang “skilled” healthcare professionals dahil sa pagbubukas ng mga oportunidad sa iba’t ibang bansa.
Ayon sa tagapagsalita ng PGH, posibleng marami sa kanilang healthcare workers ang mag-resign para sa mas magandang kompensasyon sa ibang bansa.
Dahil dito, posibleng lumala ang problema kung sisirit ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa. Bagay na nangyayari na dahil ayon sa OCTA Research Group, may 19% pagtaas sa arawang kaso ng COVID-19.
Gayunman, upang matugunan agad ang inaasahang vacancies, sinisimulan na ng pamunuan ng PGH ang recruitment ng mga bagong staff.
Matatandaang noong Pebrero, itinaas ng gobyerno sa 7,000 ang deployment cap para sa mga Pilipinong healthcare workers na nais mangibang-bansa.
Bagama’t magandang hakbang na naghahanap na tayo ng mga puwedeng pumalit sa mga paalis na health workers, ‘di ito sapat dahil kung tutuusin, band-aid solution lamang ito.
Tutal, alam natin ang dahilan ng pag-alis ng mga health workers, dapat alam na rin natin ang kailangang gawin at hindi pansamantalang solusyon lamang kundi ‘yung pangmatagalan.
Dahil sa pandemya, naramdaman natin ang kakapusan ng healthcare workers, gayundin, mas nakita natin ang kanilang hirap at sakripisyo. Siguro naman, panahon na para mas pahalagahan at alagaan sila bilang kapalit ng kanilang serbisyo.
Kawawa ang bansa kung pilay ang health workforce, kaya panawagan sa mga kinauukulan, pangmatagalang solusyon naman sa problema ng ating nurses.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments