Healing priest, inireklamo ng molestation ng 2 altar boys…

JOHN, KUMANTANG MUNTIK MAG-BACKOUT SA LIFE STORY NI FR. SUAREZ
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | December 11, 2020

Napapanahon ang pelikulang Suarez: The Healing Priest na entry ng Saranggola Media Productions sa Metro Manila Film Festival 2020 at mapapanood na simula sa Disyembre 25 hanggang Enero 8 via UPSTREAM.ph. na pagbibidahan ni John Arcilla mula sa direksiyon ni Joven Tan.
Nang makausap namin si John sa presscon ng Suarez: The Healing Priest ay nabanggit niya na sakto ang pelikula niya ngayong panahon na ito.
“There are so many uncertainties, hindi alam kung kailan ito matatapos, saan tayo pupunta after this, ano'ng mangyayari sa buhay natin economy wise, ‘yung iba pa nga, psychological ang problem, 'di ba?” say ni John.
Naikuwento niya na may kapitbahay siyang nagwala at umakyat sa bubong kasi hindi alam ang gagawin at parang nasisiraan na ng ulo kung paano pakakainin ang pamilya.
“Ngayon, kailangan nating ibalik ang pananampalataya natin kung sinuman ang (Diyos) kasi naniniwala naman ako na ang Diyos ay maraming pangalan, puwedeng Allah, puwedeng Buddah, pero it’s the same God with different names.
“For me, this movie is very special kasi very timely sa nangyayari ngayon sa mundo saka sa bayan natin,” pahayag ni John.
Inamin din naman ng premyadong aktor na nakaranas siya ng anxiety.
“Nagkaroon ako once sa life ko, nagkukuwestiyon ako kung tama ba ‘yun, ‘yun yata ‘yung tinatawag nilang mid-life crisis (natawa si John). Dumaan na ako sa ganu’n. Nag-pari na ba dapat ako or suddenly kasi, nawala na lahat ang meaning. Hindi ko alam, parang dead end na siya, so hindi ko alam kung saan ako pupunta kahit bigyan mo ako ng maraming pelikula, palibutin mo ako sa mundo, parang wala nang meaning lahat. I just hold on, at kailangan kong sumentro and for me, si God lang talaga.”
Muntik daw mag-pari si John dahil laking simbahan siya at kasama lagi ang mga pari at altar boy pa siya dahil ang tatay niya ay pamilya ng mga pari, habang ang nanay niya ay miyembro ng Carmelite Sisters bago nag-asawa ang kanyang mga magulang.
Pero dahil tinawag na ng showbiz kaya rito na siya napadpad lalo't scholar siya ni Direk Laurice Guillen at nagte-teatro pa nu'ng mga panahong 'yun at nagkaroon ng mainstream project.
Hindi naman na bago kay John ang karakter na pari dahil naging pari na rin siya sa ilang pelikula.
“Ang natatandaan ko ay ‘yung short and significant na Be Careful with my Heart dahil ikinasal ko sina Jodi (Sta. Maria) at Richard (Yap) na medyo kontrobersiyal pa. At last time, ‘yung sa Reality Films na kasama ko si Marvin Agustin na horror,” say ng aktor.
Ang Suarez: The Healing Priest ang pinaka-full-length movie niya bilang pari na siya talaga ang bida at tinanggap niya ang pelikula dahil gusto niya.
“Believer ako ng healing, kahit anong healing, naniniwala ako kasi bago lang naman tayo nagkaroon ng modern medicine na nauso na ‘yung pharmaceutical 'di ba, na naging business na?
“Kaya napaoo kaagad ako sa team na nag-invite sa akin and when I read the script, nag-research ako, then nakita ko ‘yung controversy, tapos parang gusto kong mag-backout. Tapos, pinanood ko ‘yung mga video niya, sobra akong na-mesmerized sa galing niyang magsalita kaya naisip ko na gusto ko munang makausap si Father bago ako mag-backout.
“Para maging fair naman ako and I have to set aside my doubt at mag-storycon muna kami and I want to listen to his story and hindi ko tatanungin ‘yung tungkol sa controversy kasi medyo awkward. Then, napansin ko na sincere siya at naikuwento naman niya lahat, and he’s very simple man who is not trying to defend himself, to justify ang sarili at naniniwala siyang mabi-vindicate siya kasi alam niya, wala siyang kasalanan. So, I felt the sincerity kaya itinuloy ko ang project."
Enero, 2020 nang ilabas ng Vatican na cleared si Fr. Suarez sa sexual molestation na ikinaso sa kanya ng dalawang altar boys na taga-isla ng San Jose Occidental Mindoro. At buwan ng Pebrero ay binawian siya ng buhay dahil sa atake sa puso habang naglalaro ng tennis.
Dahil mahusay talagang umarte si John, marami ang nagsabing iuuwi na niya ang Best Actor trophy ngayong MMFF 2020.
Naunang nanalo si John ng Best Actor noong 1996 sa MMFF para sa pelikulang Mulanay at kung siya ulit ang tatanghalin ngayong taon ay ikalawang tropeo na niya ito. May pressure ba sa parte ng aktor?
“Hindi naman ako pressured, minsan nasa award-giving body at depende pa rin ‘yan sa criteria ng jurors kung sino sa kanila ang nakapag-perform nang best sa lahat ng entries. Masarap pakinggan kapag nire-recognize nila ako at doon pa lang, masaya na ako, pero para manalo, well, bonus ‘yun. Lahat naman kami, gustong manalo.
“Para sa akin, it’s flattering, pero hindi ako naniniguro kasi hindi ko pa naman napapanood ‘yung iba (entry),” saad ni John.
Kasama rin sa pelikula sina Alice Dixson, Jin Macapagal, Marlo Mortel, Jairus Aquino, Rosanna Roces, Troy Montero, Rita Avila na umabot sa 52 artists.
Ang Suarez: The Healing Priest ay mapapanood sa first-ever virtual MMFF via UPSTREAM.ph.





Comments