Hazing sa mga estudyante, nabuhay na ulit
- BULGAR
- Mar 2, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | March 2, 2023
Bangkay na nang matagpuan na nakalibing sa bakanteng lote ang isang lalaking estudyante ng Adamson University sa Imus Cavite, noong Martes.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Virgilio Jopia, acting chief of police ng Philippine National Police (PNP) Biñan, Laguna, maliban sa statement ng mga witness, nakitaan nila ng mga pasa ang biktima sa binti, kung saan hinihinalang biktima ito ng hazing.
Gayunman, hinihintay pa ng pulisya ang resulta ng autopsy examination at DNA test bago ito tuluyang iuwi sa Zamboanga. Mahigit isang linggo nang nawawala ang biktima na si John Matthew Salilig, isang Chemical Engineering student sa nabanggit na unibersidad.
Nadiskubre ang labi niya sa isang bakanteng lote sa Cavite na mababaw lamang na nakalibing matapos umanong ituro ng suspek. Kinilala naman si Matthew ng nakatatanda niyang kapatid na si John Martin.
Unang nagpaalam ang biktima na dadalo ito sa welcoming rites ng isang fraternity sa Biñan, Laguna, noong Pebrero 17.
Base sa kuha sa CCTV, umaga ng Pebrero 18, nakitang sumakay si Matthew sa isang bus terminal sa Buendia sa Pasay City, kasama ang ibang miyembro ng grupo.
Paniwala ng pulisya, namatay ang biktima noong gabi rin ng parehong petsa, matapos isalaysay umano ng witness na habang nagaganap ang initiation rites, nagkaroon na ng senyales ng paghihirap si Salilig at bandang alas-3:00 ng hapon, sumuka na ang biktima.
Binanggit ni Col. Jopia na ngayon may 15 persons of interest na silang iniimbestigahan, at pito sa mga ito ay naging bahagi ng Tau Gamma Phi initiation rites para kay Salilig.
Umamin naman ang pangunahing witness sa kaso na nagdesisyon ang grupo na i-dispose na ang katawan ni Salilig.
Kinumpirma na rin ng Adamson University ang pagpanaw ng isa sa kanilang mga estudyante na unang nai-report na missing, subalit hindi nila ito pinangalanan, habang ayon sa pamunuan ng unibersidad ay nagsasagawa na sila ng kanilang imbestigasyon sa insidente at nangakong makikipagtulungan sa mga awtoridad.
Napakasaklap ng sinapit ng isa na namang estudyante na hinihinalang biktima ng hazing.
Kahit na may batas nang umiiral na Anti-Hazing Law, tila patuloy pa rin ang mga grupo o fraternity sa mga unibersidad at kolehiyo na nagsasagawa ng ganitong uri ng pagpapahirap at pananakit sa kanilang kapwa estudyante na kung minsan humahantong pa sa kamatayan.
Hindi rin makuhang pigilan ng mga paaralan na huwag magkaroon ng mga samahan ang mga estudyante dahil sa labas na nabubuo ang mga fraternity at sorority.
Ang magagawa naman ng kinauukulan ay hulihin lamang ang mga nasasangkot na estudyante sa krimen dahilan sa hindi nila ito hurisdiksyon.
Ang ating mga anak ay maituturing na wala pang tama at sariling desisyon para sa kanilang ikabubuti. Mahilig silang sumubok sa maraming bagay. Gustung-gusto nila ng mga challenge na kahit na mahirapan ay susubukin pa rin nila.
Marahil, ang tanging may pananagutan at responsibilidad dito ay tayong mga magulang.
Kung batid sana natin na ang ating mga anak ay mapapasok sa mapanganib na sitwasyon, huwag na natin sila hayaan na ipagpatuloy pa ito. Tayo ang dapat na magsimula na sila ay pangaralan at maging gabay sa kanilang kinabukasan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




Comments