Hawks, T'Blazers, Warriors at Wizards, pumaimbulog
- BULGAR

- Feb 19, 2021
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 19, 2021

Ipinalasap ng bisitang Atlanta Hawks ang isa pang talo sa Boston Celtics sa homecourt, 120-114, sa NBA kahapon mula sa TD Garden. Mahalaga rin ang panalo para sa Hawks (12-16) upang mapigil ang apat na sunod-sunod na talo.
Itinayo ng Hawks ang pinakamalaking lamang na 108-95 matapos ang tres ni Trae Young na may 4:32 sa orasan at sinubukang bumalik ng Celtics (14-14) subalit kulang ang oras. Namayani si Young sa 40 puntos habang double-double si Clint Capela na 24 puntos.
Sa ibang laro, kinumpleto ni Damian Lillard ang three-point play na may 16.5 segundong nalalabi para maipanalo ang Portland Trail Blazers sa New Orleans Pelicans, 126-124. Halimaw si Lillard sa 43 puntos habang tinulungan siya ni Gary Trent Jr. na may 23 puntos.
Bumanat ng mga tres sina Stephen Curry at Andrew Wiggins sa overtime upang patumbahin ng Golden State Warriors ang bisitang Miami Heat, 120-112. Nanguna si Kent Bazemore na may 26 puntos at may 25 si Curry at 23 sina Kelly Oubre Jr. at Wiggins.
Walang kabang ipinasok ni Bradley Beal ang dalawang free throw galing sa foul ni JaMychal Green na ubos na ang oras para itulak ang Washington Wizards sa 130-128 panalo sa Denver Nuggets. Nagtapos si Beal na may 25 puntos upang hindi masayang ang 35 puntos ni Davis Bertans. Kumapit ang Chicago Bulls sa huling minuto upang takasan ang Detroit Pistons, 105-102. Nagtapos na may 37 puntos si Zach LaVine.
Ipinasok nina Malcolm Brogdon at Domantas Sabonis ang mga mahalagang puntos sa overtime upang ibigay sa Indiana Pacers ang 133-128 tagumpay sa makulit na Minnesota Timberwolves. Umarangkada ang Memphis Grizzlies sa 4th quarter upang talunin ang Oklahoma City Thunder, 122-113. Nagsabog ng 22 puntos si Jonas Valenciunas.
Masayang umuwi ang Philadelphia 76ers at tinalo ang bisitang Houston Rockets, 118-113. Bumalik sa aksyon si Joel Embiid at gumawa agad ng 31 puntos at sinundan nina Seth Curry na may 25. Wagi ang Orlando Magic sa New York Knicks, 107-89. Bumida sa Magic (11-18) si Terrence Ross na may 30 puntos.





Comments