Hatawan sa PVL Reinforced Conference magbabalik na
- BULGAR
- Jul 4, 2024
- 2 min read
ni Gerard Arce @Sports | July 4, 2024

Magbabalik muli ang matinding hatawan sa volleyball court kaakibat ang mga bigatin at talentadong foreign players sa Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference simula Hulyo 16 sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nakatakdang ilatag ng PVL ang panibagong pormat at listahan ng mga bagong manlalaro para sa bigating misyong maiparating ang matitinding mga laro na maghahatid ng saya sa lahat ng mga tagasunod na aabangan ang 12 koponan sa nangungunang pro-league sa bansa.
Nagawang hatiin ang 12 koponan base sa kanilang pwestuhan sa nagdaang All-Filipino Conference, kung saan makakasama ng kampeon na Creamline Cool Smashers ang Chery Tiggo Crossovers, Farm Fresh Foxies, Galeries Tower Highrisers, Nxled Chameleons at PLDT High Speed Hitters para sa Pool A, habang nasa Group B naman ang defending Reinforced Conference titlist na Petro Gazz Angels kasama ang Akari Chargers, Capital1 Spikers, Cignal HD Spikers, Choco Mucho Flying Titans and ZUS Coffee Thunderbelles.
Ilalatag ang isang group phase na mga laro kaakibat ang dalawang estado mula sa single round-robin format na mayroong second round, kung saan hahanapin ng top-three sa Pool A ang bottom three mula sa Pool B para sa Pool C, habang tatapatan naman ng top-3 sa Pool B ang bottom three sa Pool B para sa Pool D.
Mananatiling susundin pa rin ng PVL ang rankings sa FIVB Classification System sa kanilang preliminary round, kung saan aabante ang top-eight sa knockout quarterfinals na ang mananalo ay uusad sa semifinals na pagdedesisyunan para sa do-or-die match.
Ang top two-teams naman mula sa semis ay maglalaban para sa winner-take-all gold medal match habang ang matatalo ay magtutunggali sa bronze medal.
Ang PVL Reinforced Conference ay magtatampok ng tatlong laro sa lahat ng paunang araw ng laro, na magbibigay daan para sa Invitational Conference na itinakda para sa Setyembre.
Comments