top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Harden, Embiid, Booker at Lavine, pangmalakasan na

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 2, 2021
2 min read

Updated: Jan 9, 2021

ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 2, 2021





Ginulat ng bisitang Philadelphia 76ers ang dating walang talong Orlando Magic, 116-92, at sinamahan ito ng tagumpay ng Indiana Pacers sa Cleveland Cavaliers, 119-99, sa puno ng aksyon na huling araw ng 2020 sa National Basketball Association (NBA). Dahil dito, lumikha ng tabla ang dalawang nanalo kasama ng Magic sa taas ng Eastern Conference na parehong may kartadang 4-1 panalo-talo.


Nabigo ang Magic na manatiling nag-iisang perpektong koponan ng liga at walang nakitang sagot sa mainit na laro ng 76ers na umabot ng 38 ang lamang noong 3rd quarter, 98-60, matapos ang dunk ni Ben Simmons. Nanguna muli si Joel Embiid na may 21 puntos, 21 puntos din si Seth Curry buhat sa limang tres at may dagdag 20 galing kay Tobias Harris.


Nakasabay lang ang Cavs sa unang tatlong minuto at mula roon ay hindi na pinaporma ng Pacers ang kalaro. Bumida si Domantas Sabonis sa 25 puntos at 7 assist at sinundan siya ng reserbang si Doug McDermott na may 18 puntos at 9 na rebound.


Sa Western Conference, umakyat din ang Phoenix Suns sa 4-1 matapos tunawin ang Utah Jazz, 106-95, at pantayan ang nagpapahingang Los Angeles Clippers para sa liderato. Bumida sa Suns si Devin Booker na may 25 points at parehong may 16 puntos sina Jae Crowder at Mikal Bridges.


Saglit kinalimutan ang mga intriga na bumabalot kay James Harden at siya ang tumulak sa Houston Rockets sa kanilang unang panalo kontra sa Sacramento Kings, 122-119, matapos ang dalawang talo. Kahit inihayag ang kanyang naisin na umalis sa koponan, ipinasok pa rin ni Harden ang apat na mahalagang free throw sa loob ng huling 18 segundo ng mahigpit na laban at pangunahan ang Rockets na may 33 puntos habang ginunita ni John Wall ang kanyang unang laro bilang isang Rocket na may 22 puntos.


Sa ibang laro, walang kabang ipinasok ni Zach LaVine ang dalawang free throw na may 5.5 segundong nalalabi at sinundan agad ito ng agaw ni Otto Porter Jr. upang mapreserba ang 133-130 panalo ng Chicago Bulls sa wala pa ring panalong Washington Wizards. Tinapos ni Porter ang laban na may 28 puntos habang may 22 puntos si LaVine.


Nagdiwang ang Toronto Raptors matapos tambakan ang New York Knicks, 100-83, para sa kanilang unang tagumpay sa kanilang pansamantalang inampon na tahanan sa Amalie Arena ng Tampa, Florida. Nanaig ang mga gwardiyang sina Fred VanVleet na may 25 puntos at Kyle Lowry na may 20 puntos.


Tinapos ng New Orleans Pelicans ang taon sa kanilang 113-80 tagumpay sa Oklahoma City Thunder. Namuno si Brandon Ingram na may 20 puntos at malaki rin ang tulong nina Eric Bledsoe na may 17 at Lonzo Ball na may 16 puntos.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page