Hans City nagpakain ng alikabok sa Cool Farm Race
- BULGAR
- Apr 9, 2024
- 2 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | Abril 9, 2024
Magandang banatan sa rektahan ang nasaksihan ng karerista matapos manalo ni Hans City sa Cool Summer Farm Stakes Race na inilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas Linggo ng hapon.
Dikdikan ang naging bakbakan sa unahan nina Villa Lorelle at Unli Burn paglabas ng aparato, malayong tersero si Every Sweat Counts habang nasa pang-anim si Hans City.
Pagsapit ng far turn ay inagaw ni Unli Burn ang unahan habang ang magka-kuwadrang sina Louise Ville at Hans City ay nagsimula ng rumemate.
Paparating pa lang ng home turn ay inungusan na ni Louise Ville at Hans City si Unli Burn kaya pagsungaw ng rektahan ay dalawa na lang sila sa unahan.
Malakas ang yabag ni Boss Lady na nagbabagyang sumikwat ng panalo sa rektahan kaya naman hindi na ito pinaporma ni Hans City gumalaw agad at sinunggaban ang bandera at sikwatin ang panalo. Tinawid ni Hans City ang finish line ng may dalawang kabayo ang agwat sa pumangalawang Boss Lady sa event na suportado ng Philippine Racing Commission (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon.
Nasikwat ng horse owner na si Louise Ann Decena ang P600,000 nakopo ni Boss Lady ang second place prize na P400,000.
Ang couple entry ni Hans City na si Louise Ville ang tumanggap ng third place consolation na P300,000 at P200,ang kay Every Sweat Counts na dumating ng pang-apat pero sa trifecta papasok sa tersero ang huli.
Sinakyan ni reigning Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee John Alvin Guce si Hans City, inirehistro nito ang tiyempong 1:43.6 minuto sa 1,600 meter race.
Samantala, dahil sa ipinakitang husay ng Hans City, isasabak ito sa mas malaking stakes race kaya paniguradong aabangan ito ng kanyang mga tagahanga.
Walong karera ang inilarga ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) noong Linggo kaya naging masaya ang mga karerista sa kanilang pananaya.








Comments