top of page

Hanggang kailan maghahari ang mali?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 21, 2021
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 21, 2021



Hanggang kailan maghahari ang kasinungalingan at inhustisya? Drug Queen, immoral, korup, at iba pa — ‘yan ang mga paratang kay Sen. Leila de Lima.


Napakalaking operasyon ang isinawa laban sa Senadora, patuloy pa rin ang paglilitis na walang pinupuntahan dahil walang maiharap ang presekusyon na matibay na ebidensiya laban sa kanya.


Mahigit apat na taon nang nakakulong ang Senadora sa Kampo Crame mula sa pag-aresto sa kanya noong ika-24 ng Pebrero, 2017. Marami sa apat na taong nagdaan, kahit pandemya, nadadalaw pa rin natin ang butihing Senadora.


Dahil sa pagdami ng kaso ng COVID-19 sa kasalukuyang taon, naging mahirap nang dumalaw sa kanya. Dahil sa papalapit nang pagsasampa ng kandidatura sa darating na ika-1 ng Oktubre 2021, nagpasya na ang Senadora na magpalabas ng pahayag, “Marami ang nagtatanong kung sa kabila ng pagyurak na ginawa mo sa akin ay may lakas pa ako ng loob na muling tumakbo bilang senador sa 2022. Tatakbo akong muli. Hindi ako susuko. Tuloy ang laban.”


Sa kabila ng mahigit apat na taong pagkakakulong ay hindi nadurog, nabale o nabasag ang kalooban ng Senadora. Sa marami naming pag-uusap, nabanggit niya ang grasya ng kulungan. Naririnig kong paulit-ulit sa aking isip ang mahinahon at malinaw, ngunit buong tinig ng matapang na Senadora, “Napakarami kong panahon na magdasal, magnilay, magbasa, magsulat at palalimin ang aking pananampalataya sa Diyos. Hindi ibinibigay sa lahat ang pagkakataong makaharap ang matinding pag-iisa at pawang kalungkutan. Ngunit hindi ako malungkot. Hindi ako bigo. Hindi ako nawalan ng pag-asa at paninindigan. Lalo akong lumakas. Lalong nabubuo ang aking paninindigang lumaban at gawin ang dapat para sa aking bayan at mga kababayan. Lalaban ako. Hindi ako susuko.”


Alam ng mga taga-South Africa ang naging buhay ng kanilang yumaong Presidente na si Nelson Mandela. Bago ito nakulong, nilabanan niya ang polisiya ng “Apartheid” o paghihiwalay ng mga itim sa puti. Dayo ang mga puti na galing England. Bagama’t dayo ang mga ito, sila ang may hawak sa pulitika at ekonomiya ng South Africa. Ang lahat ng maganda at naturang “first class” ay para lamang sa mga puti. At ang lahat ng mas mababa at mahinang klase ay para sa mga itim. Hindi matanggap ni Nelson ang ganitong pagtatangi at paghihiwalay sa kanyang mga kababayan na kung tutuusin sila ang dapat nagpapatakbo ng kanilang bayang tinubuan. At dahil sa kanyang patuloy na pag-oorganisa at paglaban sa pamahalaan ng mga puti at para sa karapatan ng mga itim, nakulong si Nelson sa Roben Island ng 20 taon. At sa kanyang kulungan, hindi nawalan ng pag-asa at pananampalataya ang lider ng South Africans. Habang tinitiis nito ang pagkakakulong, ito ay naging buhay na martir laban sa Apartheid. At sa kanyang paglaya, nagising at tumindi pa ang paglaban ng lahat sa apartheid hanggang sa magkaroon ng pambansang eleksiyon kung saan si Nelson Mandela ang naging pinaka-unang pangulong itim.


Kung si Nelson Mandela ang buhay na martir laban sa apartheid, si Sen. Leila De Lima naman ang maituturing na buhay na martir para sa karapatang-pantao. Hindi ito tumigil sa pamamahayag sa pamamagitan ng pagsusulat ng kanyang posisyon at paninindigan hinggil sa iba’t ibang isyu ng ating bansa.


Sa nagdaang mahigit limang taon na ng kasalukuyang administrasyon, naging malinaw at matinding ilaw ng katotohanan, katinuan, katarungan, katapangan at paninindigan ang senadora.


Isa lang ang dapat mangyari sa lalong madaling panahon. Dapat lang palayain na si Senadora Leila de Lima!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page