top of page

Hangga’t walang Anti-Dynasty Law, tuloy ang sirko at sarsuwela

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 10, 2021
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan| July 10, 2021



Balikan natin ang dalawang pangulo na tumakbo para sa mabababang posisyon at nanalo. Nakasuhan ng “plunder” sina ex-P-Joseph Estrada at ex-P-Gloria Macapagal-Arroyo. Ngunit hindi nagtagal, dahil sa ‘koneksiyon at kapangyarihan’ bilang pulitiko, kapwa sila naabsuwelto sa mabigat na kasong ipinataw sa kanila.


Hindi nagtagal, tumakbong mayor ng Maynila si Erap at nanalo. Ganundin si ex-P-GMA, na tumakbo at nanalong kinatawan para sa 2nd District of Pampanga. Hindi ba’t ang pagiging Pangulo ng Republika ng Pilipinas ang pinakamataas na posisyon na maaaring pangarapin ninuman? At kapag naabot na ito, naabot na ang pinakamataas at pinakadakilang posisyon na magbibigay ng malaki at malawak na pagkakataon hindi lang maglingkod kundi magsimula ng makasaysayang proseso ng pambansang pagbabago?


At anumang haba o ikli ng termino bilang pangulo, naibigay na ang dakila at banal na pagkakataong paglingkuran ang lahat ng kababayan? Kung gayun, bakit pa bababa ng posisyon para maglingkod bilang mayor o kongresista na biglang maliit at limitado na lamang ang lawak ng iyong kapangyarihang maglingkod?


Ano ang nasa pagiging pulitiko na gustung-gusto at tila “takam na takam” ang marami kung kaya’t hirap na hirap silang bitiwan o iwanan ito? Hindi personal o indibidwal ang pulitika sa Pilipinas. Merong pamilyang matagal nang hawak ang pulitika sa kani-kanilang bayan, siyudad at lalawigan. Ilan sa mga ito ang naging senador, ilan naging pangulo pa. Dinastiya ang tawag sa mga pamilyang ito.


Ayon sa mga dalubhasa, nagsimula ang mga dinastiya noong panahon ng mga Kastila. Nang sakupin nila ang mga unang Pilipino, natagpuan nila ang imprastuktura ng mga Barangay sa ilalim ng mga Datu at Rajah. Tinipon ng mga Kastila ang mga Pilipino sa mga “reduccion” o malalaking pamayanan na nasa ilalim ng pamunuang pinila nila. “Cabecera” ang naging tawag sa mga bagong pamayanang ito. Unti-unti ay nawala ang mga barangay ng mga Datu at Rajah at posisyon ang naging kapalit nito. Sa halip na Datu o Rajah, naging Cabeza de Barangay o Gobernadorcillo ang mga ito. Kalaunan ang mga Cabeza de Barangay at Gobernadorcillo ay bumuo ng bagong uri (class) na nakilalang “Principalia.” Pinagkalooban din ang mga miyembro ng principalia ng magagandang bahay sa tabi ng mga simbahan at magagandang lokasyon sa mga Cabecera. Nagkaroon ng tungkuling mangolekta ng buwis at magsagawa ng sapilitang paggawa o “forced labor” ang mga ito. Nagpatuloy ang ganitong uri ng pulitika hanggang sa dumating ang mga Amerikano na pinagkaloob sa atin ang kanilang uri ng Demokrasya sa pamamagitan ng lokal at pambansang halalan.


Masasabi nating maraming pamilya ang bunga ng ganitong uri ng pulitika. Anong uri ito ng pulitika? Ito ay pulitika ng palit-lupa, palit-posisyon at palit-yaman. Ayon sa kasaysayan, hindi nais ng mga Kastila na tuluyang mawalan ng kapangyarihan ang mga Pilipino kaya’t binili sa kanila ang kanilang lupa. Ngunit nakakita rin ang Prinsipalia ng pagkakataong lalong lumawak ang kapangyarihan ang kayamanan nila. Kaya’t binenta ng marami sa mga ito ang kanilang lupa sa mga Relihiyosong Kongregasyon.


Nagpatuloy ang ganitong uri ng pulitika hanggang sa dumating ang mga Amerikano na pinagkaloob sa atin ang kanilang uri ng Demokrasya sa pamamagitan ng lokal at pambansang halalan. Ngunit mabilis ang mga miyembro ng Principalia. Sila-sila rin ang lumahok sa prosesong kaloob ng mga Amerikano. Kaya’t ito rin ang uri ng ating demokrasya: Elitistang Demokrasya na siyang anak ng Principalia.


Ilang daang taon nang nasanay ang mga dati at matatandang dinastiya sa ganitong uri ng pulitika. At mula kay ex-P-Marcos hanggang kasulukuyan, marami na ring bagong dinastiya na bunga ng tinatawag na Crony Capitalism o ang pagbibigay ng malalaki at magagandang pabor sa kanilang mga naging tapat at loyalistang taga-sunod.


Napakahirap bitiwan at iwanan ang mga pabor, prebilehiyo, ginhawa, yaman at kapangyarihan na dulot ng ganitong pulitika, ang pulitika ng Bagong Principaliang mga dinastiya.


Hanggang hindi nawawala ang mga dinastiya, ang mga bagong Principalia, ganito pa rin ang magiging takbo ng ating pulitika. Kaya hindi lang eleksiyon ang kailangan kundi malalim at totoong pagbabago.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page