Hangga’t may pasaway, kakalat nang kakalat lang ang virus!

@Editorial | January 29, 2021
Siksikan, may mga nakatayo, hindi maayos ang pagkakasuot ng face mask at walang face shield.
Ito ang eksena sa ilang pampasaherong bus na namataan ng mga awtoridad sa gitna ng ipinatutupad na community quarantine at health protocols dahil sa COVID-19 pandemic.
May ilang bus na hindi lang dikit-dikit ang mga pasahero, may standing pa. Katuwiran ng drayber at konduktor, nagpupuno rin daw ang ibang bus at may mga pasaherong nagpupumilit na makasakay.
Depensa naman ng mga pasahero, nagrereklamo na sila na puno na ang sasakyan pero nagpapasakay pa rin ang konduktor. Parehong sablay at pare-parehong mga pasaway!
Mayroon ding mga nakakalimot magsuot ng face mask at face shield. Unang-una, hindi dapat pinapayagang makasakay ang pasahero na hindi kumpleto ang gamit panlaban sa COVID-19 at habang nasa loob ng sasakyan, dapat palagi itong tinitingnan ng konduktor kung napapanatiling suot.
Ang masaklap, may pagkakataong mismong konduktor at drayber pa ang mismong lumalabag sa mga health protocol.
Sadyang marami na ang nakakalimot na nasa paligid lang ang virus. Dedma na sa mga panuntunan, tipong bahala na kung mahawaan.
Kaya huwag nang magtaka kung bakit patuloy ang pagdami ng bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 at walang pagbabago sa ipinatutupad na community quarantine.



Comments