Hamon sa DILG, mga colonel at general na sangkot sa droga, tukuyin na!
@Editorial | Enero 6, 2023
Para makapagsimula sa war on drugs ang kasalukuyang administrasyon, umapela si Interior Sec. Benhur Abalos, Jr. sa lahat ng general at colonel sa Philippine National Police (PNP) na magsumite ng kanilang courtesy resignation.
Hindi maikakaila na problema pa rin ang ilegal na droga. Ang nakapanlulumo, mismong mga tagapagpatupad ng batas ang nasasangkot.
Kaugnay nito, isang five-member committee ang susuri sa resignation ng mga police officer.
Gusto nating unawain ang apela ng Kalihim at ayaw din sana nating pangunahan ang kanilang proseso.
Gayunman tulad ng taumbayan, tayo rin ay nagtatanong, bakit hindi na lang tukuyin kung sino ang mga sangkot sa droga saka kasuhan?
Matatandaang sa drug war ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, talagang pinangalanan ang mga nasa droga pati mga narcopoliticians.
Bakit ngayon, eh tila ang gobyerno pa ang nakikiusap sa mga sangkot sa ilegal na gawain na lumantad imbes na ibulgar?
Totoo kaya ang reaksyon ng publiko na drama lang ito at gusto lang magpabango ng mga nasa puwesto? Hindi raw kaya pantakip lang ito sa mga isyu at mga problema ng bansa?
Kaya ang hamon ngayon sa pamunuan ng DILG, kung alam naman pala nila na may mga opisyal sa PNP na sangkot sa drug trade, ilantad na. Huwag nang daanin sa mga pa-presscon.
Grabe na ang problema sa droga, bigtime na ang mga tulak at ang nakakatakot, yari na naman ang mga na pamilya puwedeng mawasak.
Kung sobra na sa kapal ng mukha at sagad na sa kaluluwa ang kawalang konsensya ng mga nagpapakalat ng droga, dapat ay mas mabigat ang batas at mas walang kinatatakutan ang mga nasa gobyerno.
Ito ay kung talagang gustong malinis ang bayan mula sa salot na droga.



Comments