Hamon kay P-BBM, mga sangkot sa smuggling kaanak, kaalyado pangalanan na
ni Ryan Sison @Boses | July 7, 2023
Determinado si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na tugisin ang mga smuggler at hoarders ng mga agricultural goods, at sinabi na ang mga Pilipino ay namamatay na sa gutom dahil ang mga manipulative scheme sa merkado ay patuloy na umuunlad.
Ayon kay Marcos, umaasa siya sa agarang pagtatapos ng imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ) at ng National Bureau of Investigation (NBI) sa umano’y pagsisikap ng isang kartel na manipulahin ang mga presyo ng mga bilihin sa agrikultura, kabilang ang mga sibuyas.
“Marami talagang sindikato na nag-o-operate pa para habulin na natin, matigil ‘yung kanilang ginagawa,” ani Marcos sa isang panayam ng media sa sideline ng Livestock and Aquaculture Philippines 2023 sa World Trade Center sa Pasay City.
Giit pa niya, ang labag sa batas na aktibidad ay katumbas ng economic sabotage.
Gayunman, makikipagtulungan umano ang DOJ sa iba pang ahensya ng gobyerno, kabilang ang Bureau of Customs (BOC), Department of Agriculture (DA), at iba pang ahensya sa pagsasagawa ng imbestigasyon.
Kasama sa imbestigasyon ng departamento ang mga paglabag sa Republic Act No. 10845, na kilala rin bilang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016, na partikular na target ang illegal importation ng mga agricultural products, kabilang ang sibuyas.
Sa totoo lang, lahat ng naging presidente ng Pilipinas ay ganyan na ang pangako, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin nasosolusyonan.
Dapat bukod sa imbestigasyon, pangalanan na ang mga taong sangkot dito at panagutin. Walang dapat palagpasin kahit pa kaanak o kaalyado dahil sobra na ang pagdurusa ng mga mamamayan sa nagtataasang presyo ng bilihin.
Hiling natin na sa pagkakataong ito ay masugpo na ang lahat ng katiwalian na nangyayari sa gobyerno hindi lang sa smuggling.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments