top of page
Search
  • BULGAR

Halaga ng nanakaw, ‘di puwedeng ikaltas sa deposito ng empleyado

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 6, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Nagtatrabaho ako bilang isang saleslady sa isang maliit na grocery store. Habang naglilinis at nagliligpit kami kagabi, biglang may pumasok at lumabas na tatlong lalaki. Nalaman na lang namin pagkatapos ng mga pangyayari na nanakawan kami ng mga produkto. Agad kong tinawag ang aking amo at siya ay nagalit sa akin. Sinabi niya na ibabawas niya ang halagang nanakaw sa aming deposito na kanyang hawak. Tama ba iyon kahit wala naman kaming kasalanan? Salamat. -- Nestor


 

Dear Nestor, 


Kinikilala ng ating bansa ang kahalagahan ng ating mga manggagawa at sila ay binibigyang proteksyon ng ating mga batas. Isa sa mga proteksyong ito ay ang paninigurado na hindi mababawasan o makakaltasan ang kanilang mga pinaghirapang suweldo. 


Sa katunayan, nakasaad sa Article 114 ng Labor Code of the Philippines:


“Art. 114. Deposits for loss or damage. No employer shall require his worker to make deposits from which deductions shall be made for the reimbursement of loss of or damage to tools, materials, or equipment supplied by the employer, except when the employer is engaged in such trades, occupations or business where the practice of making deductions or requiring deposits is a recognized one, or is necessary or desirable as determined by the Secretary of Labor and Employment in appropriate rules and regulations.”


Ibig sabihin, ang mga empleyado ay hindi dapat na pinipilit na magbigay ng deposito na sasagot kung sakaling may mawala o masira sa mga materyales o kagamitan na galing o ibinigay ng kanilang mga employers, maliban na lamang kung sila ay kabilang sa mga okupasyon o mga negosyo kung saan ang pagbibigay ng deposito ay recognized practice na, o kung ito ay nadetermina ng Secretary of Labor and Employment na kailangan o kanais-nais sa nasabing okupasyon o negosyo. 


Nakasaad naman sa Article 115 ng nasabing batas:


“ART. 115. Limitations. -- No deduction from the deposits of an employee for the actual amount of the loss or damage shall be made unless the employee has been heard thereon, and his responsibility has been clearly shown.”


Sang-ayon sa nabanggit, hindi maaaring kaltasan ang deposito ng isang empleyado o manggagawa para sa mga nawala, nasira o napinsala sa mga produkto o materyales o mga kagamitan ng kanyang employer, kung sila ay wala naman kasalanan o kinalaman sa nasabing pagkawala, pagkasira, o pagkapinsala nito.


Sa iyong sitwasyon, dahil wala kayong kinalaman at hindi ninyo naman kasalanan na nanakawan ang iyong pinapasukan na grocery store, malinaw na hindi kayo maaaring mapanagot sa pinsalang natamo nito. Hindi legal na ikaltas sa inyong deposito ang halaga ng mga natangay na items o perang nawala dulot ng nasabing nakawan. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page