top of page

Halaga ng funeral benefit mula sa SSS hanggang P60K na

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 2
  • 3 min read

by Info @Buti na lang may SSS | November 2, 2025



Buti na lang may SSS


Magandang araw, SSS! Kamakailan ay namatay ang aking tito na isang miyembro ng SSS. Nais ko lang malaman kung magkano ang Funeral Benefit na maaaring makuha ng kanyang mga benepisyaryo? – Lina



Mabuting araw sa iyo, Lina!


Napapanahon ang iyong katanungan dahil ginugunita natin ngayong araw ang All Souls’ Day.


Ang benepisyo sa pagpapalibing o funeral benefit ay isang cash o financial assistance na ibinibigay ng SSS sa sinumang nagbayad o gumastos sa pagpapalibing ng namayapang miyembro ng SSS.


Simula noong Oktubre 20, 2023, itinaas na ang maximum amount na maaaring makuha ng isang claimant mula sa Funeral Benefit Program ng SSS. Sa dating halaga na P40,000, ito ay P60,000 na sa kasalukuyan. Batay ito sa SSS Circular No. 2023-009 na may petsang Oktubre 18, 2023.


Sa ilalim ng bagong panuntunan, kung ang yumaong miyembro ay nakapaghulog ng 36 buwanang kontribusyon o higit pa, maaaring makatanggap ang claimant ng P20,000 hanggang P60,000, depende sa bilang ng contributions at average monthly salary credit (AMSC) ng yumaong miyembro.


Subalit, kung siya ay nakapagbayad ng isa hanggang 35 buwanang kontribusyon lamang bago ang pagkamatay ng miyembro, makakatanggap ang claimant nito ng fixed amount na P12,000.


Layunin ng bagong guidelines na bigyan ng insentibo ang pagiging aktibo ng isang miyembro sa paghuhulog ng kanyang monthly contributions sa SSS.


Dagdag pa rito, ang halaga na matatanggap ng isang claimant ay nakabatay sa resibong ipapasa ngunit hindi dapat lalagpas sa itinakdang halaga ng funeral benefit.


Halimbawa, ang funeral benefit na maaaring matatanggap ng isang yumaong miyembro ayon sa computation ng SSS ay P30,000. Kung ang halaga ng ginastos ng claimant na nasa resibo ay P20,000, ang matatanggap niyang funeral benefit ay P20,000 lamang.


Samantala, kung ang halaga ng ginastos ng claimant na nasa resibo ay P40,000, ang matatanggap niyang funeral benefit ay P30,000 lamang. Ito ay sapagkat hindi dapat lalagpas sa itinakdang halaga ng funeral benefit ang maaaring ibigay sa claimant. Sa kasong ito, P30,000 ang itinakdang halaga ng benepisyo at hindi na maaaring lumagpas pa rito.


Nakapaloob din sa Circular ang maituturing na gastos na may kaugnayan sa pagpapalibing na kinabibilangan ng mga sumusunod: 


  • embalming services o serbisyo ng pag-embalsamo;

  • burial transfer services at permits;

  • funeral services gaya ng church fees o katumbas nito sa ibang relihiyon;

  • cremation o interment services;

  • pagbili o pagrenta ng kabaong;

  • pagbili o pagrenta ng nitso/cemetery o memorial lot/columbarium; at

  • memorial/funeral insurance plan.


Mayroon din tayong sinusunod na order of priority ng claimants sa pagbabayad ng funeral benefit. Una ay ang surviving legal spouse. Sumunod ay mga anak, magulang o iba pang natural person na makakapagpakita ng proof of payment basta’t hindi binayaran ng surviving legal spouse ang funeral expense o kaya naman ito ay hindi na matagpuan, namatay na o kung walang asawa ang namatay na miyembro.


Nais din naming ipaalala na ang filing ng funeral claim application ay online na gamit ang My.SSS account, alinsunod pa rin sa SSS Circular No. 2023-009.

***

Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa bagong loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.


Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.


Samantala, maaari nilang bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng installment sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.



Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account. 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page