Mga dapat malaman sa SSS Emergency Loan Program
- BULGAR

- 12 hours ago
- 3 min read
by Info @Buti na lang may SSS | January 11, 2026

Dear SSS,
Magandang araw! Ano ang tinatawag na Emergency Loan Program ng SSS? At paano makaka-avail nito ang isang SSS member? Salamat. — Sonny
Mabuting araw sa iyo, Sonny!
Ang Emergency Loan Program (ELP) ay inilunsad ng Social Security System (SSS) bilang tugon sa pagdedeklara ni President Ferdinand R. Marcos Jr. ng State of National Calamity sa buong bansa bunga ng sunod-sunod na kalamidad na tumama sa bansa.
Ito ay isang tulong-pinansyal na ibinibigay ng SSS sa mga miyembrong nakatira sa mga lugar na idineklarang nasa State of National Calamity. Layunin nitong matulungan ang mga miyembro na makarecover, makabili ng mga pangunahing pangangailangan, o muling makapagsimula pagkatapos ng mga kalamidad.
Ang programa ay bukas sa mga miyembrong naninirahan sa mga lugar na idineklarang under state of calamity ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Sangguniang Panlalawigan, o Sangguniang Bayan.
Maaaring makatanggap ang isang miyembro ng hanggang P20,000 sa ilalim ng ELP, depende sa Monthly Salary Credit na kinabibilangan ng kanyang hulog sa SSS.
Ang kagandahan sa nasabing program ay una, may moratorium period na anim na buwan. Ibig sabihin, hindi muna kailangang magbayad ng monthly amortization o buwanang hulog sa loob ng unang anim na buwan mula sa petsa ng pag-apruba ng loan.
Ikalawa, ang mga miyembro ay hindi pinapatawan ng penalty sa panahong ito. Pagkatapos ng anim na buwang moratorium, magsisimula ang regular na 24 na buwang amortization (pantay-pantay na hulog) hanggang mabayaran ang buong loan.
Sa kabuuan, may 30 buwan ang miyembro para mabayaran ang Emergency Loan. Tandaan na ang deadline ng pagbabayad ay dapat gawin bago o sa huling araw ng buwan na kasunod ng buwan ng kaukulang hulog upang maiwasang mapatawan ng penalty.
Ang aplikasyon para sa ELP ay sa pamamagitan ng My.SSS account ng miyembro.
***
Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa bagong loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.
Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.
Samantala, maaari nilang bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng installment sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.
Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.





Comments