Hakbang vs. trapik, epektib sana!
- BULGAR
- Nov 29, 2022
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | November 29, 2022
Isa ang matinding trapik sa mga problema tuwing holiday season.
Bukod sa araw-araw na sitwasyon ng trapik sa mga pangunahing kalsada, madalas ay doble nito ang nararanasan habang palapit ang Kapaskuhan.
Ang siste, ubos ang oras ng mga motorista dahil naiipit sa trapik.
Kaya upang maibsan ang mabigat na daloy ng trapiko ngayong Kapaskuhan, magpapatupad ng ilang hakbang ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Kabilang na ang adjusted operating hours sa mga mall sa Metro Manila, na naunang ipinatupad ngayong Nobyembre.
Gayundin, pahahabain ang oras ng duty ng mga traffic enforcer at pansamantalang ititigil ang pagkukumpuni ng mga kalsada, kasama ang paggiba sa tulay sa Sta. Mesa, Maynila para sa NLEX-SLEX connector.
Samantala, base sa datos ng MMDA noong Nobyembre 10, nasa 398,000 sasakyan na ang naitatalang dumaraan sa EDSA, bagay na halos kapareho ng traffic volume bago ang COVID-19 pandemic. Gayunman, inaasahan pang tataas ito nang 10% hanggang 15% habang papalapit ang Pasko.
Kasabay nito, nagpaalala rin ang MMDA na bagama’t hindi mandatory ang pagsusuot ng face mask sa mga pampublikong lugar, pinag-iingat pa rin ang lahat sa pagpunta sa mga matao at siksikang lugar.
Batid nating hindi na bago ang problema sa trapik. Holiday Season man o hindi, napakaraming natatrapik, araw-araw.
At tulad ng nabanggit, inaasahan pang titindi ang trapik sa mga susunod na araw, kaya panawagan sa lahat, iwasang magpasaway at habaan ang pasensya.
Nauunawaan nating ginagawa ng mga kinauukulan ang lahat para kahit paano ay maging maginhawa ang pagbiyahe ng ating mga kababayan.
Kaya naman, umaasa tayong epektibo ang mga ipinatutupad na hakbang para maibsan ang problema sa trapik
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments