Hairstyle, kulay at seat number na swak sa gustong makapasa sa board exam

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| December 29, 2020
Dear Maestro,
Dalawang beses na akong kumuha ng nursing board exam, pero lahat ‘yun ay failed. Kailan ba ako susuwertehin na makapasa at sa paanong paraan? Sana, matulungan n’yo ako kasi gustung-gusto ko nang makapagtrabaho sa abroad at ma-regular sa trabaho ko sa isang private hospital. August 5, 1992 ang birthday ko.
Umaasa,
Nancy ng Burgos, Rodriquez, Rizal
Dear Nancy,
Para makapasa ka sa nursing board exam, dapat kumuha ka ng exam sa tuwing positibo ang panahon para sa iyong kapalaran. Ibig sabihin, ito ang mga panahong masuwerte ka.
Ang panahong ito ay mula sa ika-19 ng Hulyo hanggang sa ika-23 ng Agosto, mula sa ika-19 ng Nobyembre hanggang sa ika-23 ng Disyembre at mula sa ika-19 ng Marso hanggang ika-23 ng Abril.
Dagdag pa rito, dapat din kapag kukuha ka ng exam at iba pang mahahalagang pagsusulit, ang isuot mong damit ay kulay golden yellow. Dagdag pa rito, habang kumukuha ka ng exam, dapat kang gumamit ng lapis o ballpen na kulay dilaw, silver o gray.
Pagkatapos, kailangang mapunta sa iyo ang seat number na may sumatotal na 5 o 7, tulad ng 14, 23, 32, 41, 16, 25, 34, 43 at iba pang kauring numero na may sumatotal na 7.
Dapat ding matuon ang petsa ng exam sa numerong 4, 7 at 5, dahil ang mga numerong ito ang mapalad para sa iyo. At bukod sa numerong may sumatotal na 4, 7 at 5, minsan ay significant din sa iyo ang numerong 8.
Dapat ding maikli lang ang tabas ng iyong buhok tuwing ikaw ay kukuha ng exam at iba pang mahahalagang pagsusulit upang masagap mo ang positibo at maningning na awra, na siyang hihigop ng suwerte at magandang kapalaran sa panahon ng pagkuha ng exam.
At panghuli, sa pagkuha ng exam, dapat ding magsuot ka ng paborable mong alahas o talisman. Ang favorable mong alahas o talisman ay ang alahas na sardonyx o diamonds na ipinalamuti sa gold na singsing.
Samantala, ayon sa Decadens ng iyong Kapalaran, ang pinaka-favorable years mo, hindi lang sa pagkuha ng exam kundi sa lahat ng aspeto ng iyong buhay ay ang mga taong 2021, 2022 at 2023. Sa nasabing panahon at edad mong 28 pataas, walang duda na makakapasa ka na sa nursing board exam at sa panahong ‘yun, matutupad mo na rin ang malaon mong pangarap na makapag-abroad.




Comments