top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Hagupit ng La Niña, mas mahirap dahil sa pandemya

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 4, 2020
  • 2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | October 4, 2020



Bukod sa pagtugon sa COVID-19 pandemic, may isa pang dapat paghandaan ang mga lokal na pamahalaan.


Ayon sa Department of Science and Technology (DOST) at weather bureau PAGASA, inaasahan ang epekto ng La Niña sa bansa mula Oktubre at tatagal hanggang Marso, 2021.


Paalala ng ahensiya, asahan ang mas matinding pag-ulan, gayundin ang 5 hanggang 8 bagyo na karamihan ay tatama sa lupa.


Anila, 75% ang tsansa na maging “full blown” ang La Niña ngayong Oktubre o sa Nobyembre, na posibleng maging dahilan ng pagbaha, landslide at malakas na daluyong sa dagat.


Kasabay ng babala ang paalala ng PAGASA sa LGUs na maghanda, partikular sa gagawing paglikas dahil mas pahirapan ito ngayong may pandemya.


Gayundin, nag-abiso ang ahensiya sa mga ospital na maghanda dahil kasabay ng pagbaha ang banta iba pang sakit tulad ng leptospirosis.


Sa totoo lang, malaking hamon ito sa publiko, lalo na sa mga lokal na pamahalaan na takbuhan ng mga residente sa oras ng kalamidad.


Kaya pakiusap sa mga kinauukulan, paghandaan na hangga’t may panahon pa para hindi tayo nangangapa o nanghuhula ‘pag marami nang nangailangan ng tulong.


Unahin ang evacuation center, alamin ang mga lugar na madalas bahain, gayundin kung paano ililikas ang mga apektadong residente.


Kung noon, pahirapan ang pag-rescue ‘pag bagyo o anumang kalamidad, mas humirap pa ngayon dahil kailangan ding ipatupad ang health protocols para iwas-COVID.


Pero siyempre, hindi lang mga lokal na pamahalaan ang dapat maghanda kundi pati tayong mamamayan din.


Tiyaking ligtas ang bahay, magpalakas ng katawan at resistensiya para hindi madaling dapuan ng sakit at ‘pag inabisuhang lumikas, sumunod na agad.


Hindi man natin gustong maging nega, pero dapat ding paghandaan ang ganitong uri ng problema. ‘Ika nga, mas mabuti nang handa kesa mangapa.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page