Hagupit ng El Niño sa agrikultura, tumitindi
- BULGAR
- Feb 19, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 19, 2024
Tumitindi na ang paghagupit ng El Niño phenomenon sa ating bansa.
Batay sa Task Force El Niño, umabot na sa P151.3 milyon ang pinsalang pang-agrikultura sa Western Visayas at Zamboanga Peninsula dahil sa patuloy na nararanasang El Niño.
Ayon kay Presidential Communication Office (PCO) Assistant Secretary Joel Villarama, spokesperson ng task force, ang Region 6 at 9 ang higit na nagdurusa ngayon sa epekto ng El Niño, kung saan nakakaapekto sa kanilang 4,000 mga magsasaka.
Sa isang radio interview kay Villarama nitong Linggo, ipinaliwanag niya na ang pinsala sa naturang lugar, base sa huling tala ng Department of Agriculture (DA) ay umabot na sa P151.3 milyon. Ang bulk nito ay nasa mga 93% sa palay, habang ang natitirang mga 6% ay sa mais. Ito na aniya, ang mga hindi na maisasalba na crops o mga pananim.
Gayunman, ipinahayag ng opisyal na direktang makakatanggap naman ng tulong mula sa DA at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang 4,000 magsasakang apektado ng El Niño.
Ipinaliwanag din niya ang ilang istratehiya sa pagsasaka, gaya ng alternatibong wetting and drying, at ang mabilis na pagbabalik-tanaw na maaaring tuklasin ng mga magsasaka upang magpatuloy sa pagtatanim ng mga palay.
Aniya, inaasahan na rin ng DA ang posibleng mga infestation sa ilang sakahan dahil sa matinding init.
Sa ngayon ani Villarama, bibigyan muna ng ayuda ang mga magsasakang naapektuhan.
Matapos nito ay bibigyan sila ng alternative na pwedeng pagkakitaan, tulad ng pamimigay ng mga domestic animal at ng mga livestock para sa mga magsasaka.
Patuloy din ang pagbibigay sa kanila ng heat tolerant at heat resistant seedlings o mga punla.
Kaugnay nito, ayon sa state weather bureau na PAGASA, bumaba naman sa 41 mula 50 ang bilang ng mga lalawigang apektado ng El Niño phenomenon.
Nararanasan pa rin umano ang tagtuyot sa Apayao, Benguet, Cagayan, Cavite, Ifugao, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Kalinga, La Union, Mountain Province, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, Palawan, at Pangasinan.
Sinabi rin ng task force na 10 pang probinsya ang maaapektuhan ng El Niño sa pagtatapos ng Pebrero.
Hindi lang tayo ang nakakaranas ngayon ng tagtuyot, kundi maging sa marami pang mga bansa sa buong mundo. Ang naturang phenomenon ay talagang pumipinsala sa mga pananim, kabuhayan, kalusugan, pamumuhay ng mga mamamayan, at iba pa.
Kung titingnan natin, mas matindi pa nga ang hagupit ng El Niño sa ibang mga bansa dahil sa nararanasan nilang malawakang forest fire na nakakapagtala ng bilang ng mga namatay.
Batid naman natin na ginagawa na rin ng kinauukulan ang kanilang makakaya para maresolbahan ang problemang ito at hindi na lumala pa.
Dapat din sigurong makiisa tayo sa mga programa ng pamahalaan para maibsan ang hirap sa kakaharapin nating El Niño.
Minsan na rin tayong hinamon ng pandemya ng COVID-19, subalit nagawa nating sama-sama itong labanan at maituturing na nating napagtagumpayan.
Patuloy din sana tayong magtiwala sa Poong Maykapal na hindi niya tayo kailanman pababayaan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments