top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Hacking talamak, DICT 'wag nang bigyan ng confi funds

Writer: BULGAR
BULGAR
Oct 17, 2023
2 min read

ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | October 17, 2023


CONFIDENTIAL FUNDS KUNG ‘DI MATATANGGAL, BIGYAN NA LANG NG ‘PANGIL’ ANG COA NA MANGHINGI NG RESIBO SA MGA TRAPO NA MAY CONFI FUNDS -- Ibinulgar ng Commission on Audit (COA) na sa panahon daw ng Duterte administration lumaki ang halaga ng confidential funds ng Office of the President (OP) at maging ang tanggapan ng mga alkalde sa buong bansa, at ang masaklap, kapag hinihingan ng resibo kung saan ginasta o saan napunta ang perang ito ng bayan ay walang ibinibigay ang presidente at mga mayor dahil ang ikinakatuwiran ay “confi funds” nga raw.


Kung hindi talaga maiiwasang tanggalin ang confidential funds ng mga trapo (traditional politicians), ang pinakamainam na gawin ng mga senador at kongresista ay gumawa sila ng batas na magbibigay ng “pangil” sa COA na mag-oobliga sa presidente at mga mayor na magbigay ng resibo o voucher para nalalaman ng publiko saan napupunta o ginagasta ang pera ng bayan, at ang sinumang tatangging magbigay ay sasampahan ng kasong malversation of public funds, period!


◘◘◘


SANA TULARAN NG SENADO ANG KAMARA NA NAGPAKITA NG PAGMAMALASAKIT SA PERA NG BAYAN NANG ‘DI NA NILA BIGYAN ANG MGA TRAPONG NANGHIHINGI NG CONFI FUNDS -- Ngayong buwan ng October 2023 ay sunud-sunod ang pangha-hack na isinagawa ng mga hacker sa mga tanggapan ng pamahalaan, una ang PhilHealth, sumunod ang Philippine Statistics Authority (PSA) at ang ikatlo ay ang website ng House of Representatives.


Dahil sa mga isyung ‘yan, ang pinakamainam na gawin ng mga senador ay huwag nang bigyan ng confi funds ang Dept. of Information and Communications Technology (DICT) at sa halip, gumawa na lang sila ng resolusyon na humihiling kay Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) na tanggalin sa puwesto si DICT Sec. Ivan John Uy, boom!


◘◘◘


KAMARA NA NAGPAKITA NG PAGMAMALASAKIT SA KABAN NG BAYAN, GAYAHIN NA RIN NG SENADO -- Mabango ngayon sa publiko ang Kamara sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Martin Romualdez dahil ipinakita ng mga miyembro ng House of Representatives ang pagmamalasakit nila sa kaban ng bayan nang tanggalan nila ng confi funds ang mga ahensyang pinamumunuan ng mga trapo.


Sana tularan din ng mga senador ang ginawang ito ng Kamara, huwag na nilang bigyan ni katiting na confi funds ang tanggapan ng mga trapo, period!


◘◘◘


PANUKALANG-BATAS NI SEN. LITO LAPID, PANG-RICH NA PULITIKO --Nagsulong si Sen. Lito Lapid ng panukalang batas na magtataas sa gastusin sa eleksyon ng mga pulitiko.


Kapag naisabatas ang panukalang ‘yan ni Sen. Lapid ay lalo nang mawawalan ng pag-asang manalo sa halalan ang mga nasa middle class na pulitiko, at tiyak ang laging mananalo ay ang mga rich na politicians na may kakayahang magbayad ng TV, radio, newspaper ads at magpagawa ng sangkaterbang tarpaulin, tsk!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page