top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Habambuhay na kulong at P5-M multa sa mga perhuwisyong hackers

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 15, 2023
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | May 15, 2023



Nais ni Sen. Jinggoy Estrada na patawan ng parusang kulong at multa nang hanggang P5 milyon ang mga cybercriminal sa kanyang Senate Bill 2171 o Bank Accounts, Electronic Wallets and Other Financial Accounts Regulation Act.


Ang panukala ay naglalayong bigyan ang mga ahensya ng gobyerno at financial regulators ng lahat ng tools na kailangan upang labanan ang mga cybercrime scheme at mabigyan ang mga financial consumers ng mahusay na paraan upang malutas ang kanilang mga reklamo.


Dahil sa negatibong epekto nito sa ekonomiya, nais ng Senador na ideklara ang paggamit ng mass mailers bilang isang uri ng economic sabotage at karumal-dumal na krimen, na may parusang habambuhay na pagkakakulong at multang mula P1 milyon hanggang P5 milyon.


Bukod pa rito, layon nitong ipagbawal ang mga social engineering scheme, money mule, at mga pag-uugali na tumutulong sa pagsasagawa ng mga krimen na saklaw nito.


Sa ilalim ng money mule scheme, ang nakuhang pera ay inililipat sa ngalan ng ibang tao sa pamamagitan ng E-wallet o iba pang financial account, habang kasama sa mga social engineering scheme ang phishing, panlilinlang sa mga user na gumawa ng mga pagkakamali sa seguridad o pagbibigay ng sensitibong impormasyon.


Papatawan ng parusang kulong o multa na P100,000 hanggang P200,000 ang mga mapapatunayang nagkasala sa mga transaksyon ng money mule, habang ang mga nagkasala ng social engineering scheme ay maaaring hatulan ng pagkakakulong sa pagitan ng anim na taon hanggang 12 taon, at multang nasa pagitan ng P200,000 at P500,000.


Dagdag pa niya, kung ang target o biktima ng social engineering project ay isang senior citizen noong nagawa at tinangkang gawin ang krimen, ang pinakamataas na parusa at habambuhay na pagkakakulong ang dapat ipataw.


Totoong pinapadali ng E-wallet ang ating mga transaksyon dahil bukod sa hindi na natin kailangang magdala ng pera kapag lalabas, napakaraming features din ang kayang ibigay nito sa atin, ngunit isa rin itong oportunidad para sa mga hackers at cybercriminals na gumawa ng krimen.


Kapag natapos na ang deadline ng SIM registration, sana ay huwag na itong i-extend ng gobyerno dahil isa rin ito sa dahilan ng pag-atake ng mga hackers dahil sinasamantala nila ang pagkakataon na ito.


Kaya nararapat lang na patawan ng parusa ang mga nasa likod ng hacking na ito dahil napakaraming tao ang napeperhuwisyo at totoong mas kawawa ang matatanda dahil wala silang kamuwang-muwang sa nangyayari sa panahon ngayon ng digital at ito ang nakikitang oportunidad ng mga hackers.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page