top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Guy na gustong mapangasawa ng parents, mas may “K” pakasalan

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 9, 2021
3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| March 9, 2021



Dear Maestro,


Sa aming probinsiya, pinipilit akong ipakasal ng mga magulang ko sa isang lalaking hindi ko naman gusto, kaya lumuyas ako roon. Pagdating ko naman dito Cavite, nakahanap agad ako ng trabaho bilang katulong. Ang problema, may nagugustuhan akong lalaki ngayon, pero may asawa at dalawang anak na siya.


Pero sabi niya, kung sakaling tanggapin ko ang pag-ibig niya, handa siyang iwanan ang kanyang asawa para sa akin siya makisama. Hindi ko alam kung seryoso siya sa sinasabi niyang ito, pero kung ako ang tatanungin, napamahal na ako sa kanya at gusto ko na siyang mapangasawa. Itatanong ko kung siya na ba ang lalaking itinakda sa akin ng kapalaran o ang lalaking naghihintay pa rin sa akin sa aming probinsiya? May nagbalita kasi sa akin na hanggang ngayon ay hinahanap ako ng mga magulang ko at magulang ng lalaking may gusto sa akin para ipakasal kami.

Sino sa dalawang lalaking ito ang aking mapapangasawa? August 11, 1998 ang birthday ko, habang ang lalaki na inirereto sa akin ay April 7, 1990 ang birthday, at ito namang manliligaw ko na may asawa na — pero hindi ko pinapahalata sa kanya na gusto ko rin siya — ay isinilang naman noong December 2, 1989.


Umaasa,

Jocel ng Wawa, Rosario, Cavite


Dear Jocel,


Ayon sa zodiac sign mong Leo, kapwa mo ka-compatible ang dalawang lalaking sinasabi mo, sapagkat sila ay isang Sagittarius at isang Aries. Naging ka-compatible mo silang dalawa dahil ang zodiac sign mong Leo, gayundin ang Sagittarius at Aries ay may iisang elementong tinataglay – ang elementong fire o apoy, kaya naman compatible kayo sa isa’t isa.


Habang sa Numerology, hindi maiaalis na ka-compatible mo rin silang dalawa o silang may birth date na 7 at birth date na 2 katulad mo.


Nangyaring 2 din ang birth date mo dahil ang 11 ay kinokompyut ng ganito, 1+1=2.


Ibig sabihin, pare-pareho kayong may “weak number” na tinatawag, kaya magkakatugma at magkaka-compatible kayo sa isa’t isa.


Sa madaling salita, kung isasantabi muna natin ang moralidad, kahit sino sa dalawang lalaki na binabanggit mo ay puwede mo talagang piliin na makasama habambuhay.


Pero ang kaso lamang, nagkataong may asawa na si December 2, 1989 kaya naman sa umpisa pa lang, habang nililigawan ka niya ay mali na ang nasabing pag-ibig at alam naman nating lahat na kapag mali at hangal ang isang papasukin mong relasyon, ito ay masasabi pa ring malaking kahangalan at hahantong ang ganyang samahan sa isang malaking pagkakamali.


Samakatuwid, iwasan mo na ang lalaking may asawa at pilitin mo siyang maiwasan upang hindi ka magkasala at hindi rin naman siya magkasala sa kanyang asawa at mga anak.


Pagkatapos nito, kung ang lalaking naghihintay sa iyo sa probinsiya ay medyo malaking lalaki, maitim o may kayumangging kulay ng balat, matigas o medyo kulot ang buhok, sigurado na ang magaganap – siya ang iyong mapapangasawa. At sa araw ng inyong kasal, habang nakaharap ka sa altar, maibubulong mo sa iyong sarili ang ganitong katotohanan, “Tama si Maestro Honorio Ong, minsan, ang kapalaran pala ay hindi talaga matatakasan!”


Sabi nga ng French poet na si Jean La Fontaine, “A person often meets his destiny on the road he took to avoid it.”


Kaya kagaya ng nasabi na, Jocel, anumang iwas ang gawin mo kay Mr. Aries, wala kang magagawa sa nakatakda dahil siya na ang mapapangasawa mo at makakasama sa pagbuo ng isang maligaya at panghabambuhay na pamilya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page