Guwapong bf, ‘di ka-compatible kaya ‘di makakatuluyan
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| December 16, 2022
Dear Maestro,
May boyfriend ako at hindi naman sa pagmamayabang, pero may hitsura siya at ito ang madalas naming pag-awayan. Ang dami kasing nagkakagusto sa kanya, habang may mga babae na lumalapit sa kanya, mayroon ding mga bading na may crush sa kanya. Ang problema, hindi mapanatag ang isipan ko at madalas, pakiramdam ko ay niloloko niya ako. Ano ang dapat kong gawin para mawala ang aking selos? Wala naman kasi akong ebidensya na magpapatunay na may iba siyang girlfriend bukod sa akin.
Gusto ko ring malaman kung compatible ba kami at kami na ba ang magkakatuluyan? Minsan ay iniisip kong makipag-cool off para mawala na ang pagkapraning ko, pero hindi ko magawa dahil mahal na mahal ko siya at natatakot ako na tuluyan siyang mawala sa akin.
May 7, 1999 ang birthday ko, habang August12, 1998 ang birthday ng boyfriend ko.
Umaasa,
Jasmine ng Maligaya, Cabiao, Nueva Ecija
Dear Jasmine,
Hindi naman masamang magka-girlfriend nang maganda o magka-boyfriend na saksakan ng guwapo. Ang masama ay wala kang tiwala sa iyong karelasyon.
Ang senaryong ito ang malaki mong problema ngayon, kung saan nakakaramdam ka ng matinding insecurity, kaya ka nagkakaganyan. Nai-insecure ka sa iyong boyfriend dahil guwapo siya at maraming nagkakagusto sa kanya, gayundin, pati bading ay natitipuhan siya.
Kung palagi kang nai-insecure, mahihirapang mapanatag ang iyong isipan at kalooban habang kayo ay may relasyon. Idagdag pa na hindi naman compatible ang zodiac sign mong Taurus sa zodiac sign niyang Leo, gayundin ang birth date mong 7 sa birth date niyang 3 o 12 (ang 12 ay 1+2=3). Ibig sabihin, mas malamang na darating ang panahong hindi magtatagal ang inyong relasyon at hindi kayo ang magkakatuluyan.
Gayunman, tama na makipag-cool off ka para sa pansamantalang pagkawala ng inyong relasyon o komunikasyon, makapag-unwind naman ang iyong isipan at mapanatag ang iyong kalooban.
Kapag ganu’n ang nangyari, makakampante ka na, sapagkat ang kinakatakutan mong isang bagay o pangyayari na mawala sa iyo ang boyfriend mo ay tuluyan mo nang pinalaya.
Pagkatapos, kapag hindi mo na siya hinanap-hanap habang nasa cool off stage ang inyong relasyon, tama lang na tuluyan ka nang makipag-break. Sapagkat sa katotohanan, hindi mo kayang i-handle ang pagkakaroon ng guwapong boyfriend na nagkataon pang hindi mo naman ka-compatible.
Kaya sa susunod na pakikipagrelasyon, hindi ko naman sa sinasabing humanap ka ng pangit. Bagkus, ang pinakatamang payo ay iwasan mong makipagrelasyon sa lalaking saksakan ng guwapo upang hindi ka gaanong mamroblema. Gayundin, siguraduhin mong ka-compatible mo na ang sasaguting lalaki upang magkaroon kayo ng wagas, maligaya at panghabambuhay na relasyon.
Samantala, ka-compatible ng zodiac sign mong Taurus ang isang Virgo, Capricorn, Libra, Scorpio at kapwa mo Taurus, higit lalo silang may mga birth date na 2, 11, 20, 29, 7, 16, 25, 6, 15, 24, 4, 13, 22, 31, 8, 17 at 26.
Sa piling ng nasabing mga lalaki, na hindi masyadong guwapo, pero ka-compatible mo, tiyak na mawawalan ka ng mga kakumpitensya. Sa ganu’ng paraan, ‘pag pinili mong makipagrelasyon sa lalaking hindi masyadong guwapo, tiyak na mapapanatag ang iyong isipan at kalooban, at habambuhay ka nang magiging liligaya.




Comments