Gustong makabalikan ang ex na Virgo, ibang guy ang makakatuluyan
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| October 23, 2022
Dear Maestro,
Gusto kong malaman kung compatible kami ng ex-boyfriend ko at kung kami ang magkakatuluyan. March 6, 1992 ang birthday ko, habang ang ex ko ay September 16, 1993.
Sabi n’yo, compatible ang zodiac sign naming Pisces at Virgo, pero bakit naghiwalay kami? Nanghihinayang ako dahil tatlong taon na kami at akala ko ay kami na ang magkakatuluyan, pero nagtataka pa rin ako dahil naghiwalay din kami.
Sa palagay n’yo, magkakabalikan pa ba kami? Kung magkakabalikan kami, kailan ito mangyayari, kung hindi naman, ano’ng taon ako magkaka-boyfriend ulit? Gayundin, may posibilidad pa ba akong makapag-asawa, kung oo, kailan naman ito mangyayari?
Umaasa,
Ms. Pisces ng San Agustin, Guimba, Nueva Ecija
Dear Ms. Pisces,
Posibleng hindi na kayo magkabalikan ng ex-boyfriend mo na isinilang noong September 16, 1995, sapagkat kahit compatible ang inyong mga zodiac sign na Pisces at Virgo, ayon sa Oriental Astrology, hindi naman tugma ang birth date mong 6 sa birth date niyang 16 o 7 (ang 16 ay 1+6=7).
Ang mga kagrupo kasi ng mga taong may birth date na 16, ay silang may mga birth date na sumatotal na 2, 4, 8 at 1. Habang ang mga kagrupo mo naman na may birth date na 6 ay silang mga isinilang sa birth date na pasok sa series of 3-6-9.
Samatalang, ayon sa latest survey, kung ang mga Aquarius na isinilang mula Enero 27 hanggang Pebrero 15 ay kadalasang bigo sa pag-ibig, ang mga Pisces naman na isinilang mula sa ika-3 ng Marso hanggang sa ika-15 ng Marso ang pangalawa sa may pinakamaraming bilang ng mga bigo sa pag-ibig. Maaaring ito ay nangyari dahil sa impluwensya ng magulong Planetang Uranus, Saturno, Mars at Neptune na umiimpluwensya sa kanila.
Ang masaklap pa nito, Ms. Pisces, sinasabing silang may mga birth date na 6, 15 at 24, tulad mo ay pangunahing kandidata sa pagtandang binata o dalaga.
Kaya sa edad mong 30, kung hindi ka magmamadali, malamang na tulad ng nasabi na, posibleng tumanda kang nag-iisa o walang asawa, tulad ng iba pang indibidwal na may birth date na 6, 15 at 24. Subalit kung susundin mo ang mga sumusunod na hakbang, malaki ang pag-asa na kahit 30-anyos ka na sa kasalukuyan ay makakapag-asawa ka pa rin.
Una, ayon sa birth date mong 6, palagi kang magsuot ng kulay na pula, habang ayon naman sa zodiac sign mong Pisces, puwede ka ring magsuot at gumamit ng kulay na berde.
Ganito ang paggamit, tuwing sasapit ang mga petsang 3, 12, 21, 30, 6, 15, 24, 9, 18 at 27, lalo na kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa mga araw ng Martes, Huwebes at Biyernes, pula ang isuot mo.
Habang tuwing sasapit naman ang mga petsang 1, 10, 19, 28, 4, 13, 22, 31, 7, 16, 25, 2, 11, 20, 29, 7, 16, 25, 8, 17 at 26, berde ang isuot o gamitin mo, higit lalo kung ang nasabing petsa ay natapat sa mga araw ng Linggo, Lunes at Sabado, habang ang kulay na dilaw ay puwede ring isuot bilang pamalit sa berde kapag nagsasawa ka na.
Pangalawa, para makapag-asawa at magkaroon ka ng masayang pamilya, dahil ang zodiac sign mo ay Pisces na under sa elementong water o tubig, dapat palagi kang namamasyal o sumasama sa mga outing, sa panahong sa tabing dagat ito gagawin, puwede rin sa mga “nature” o malapit sa kalikasan na mga lugar. Ang nabanggit na mga pook ang magpapabago ng iyong awra, kumbaga, ang dating awra mo na tatamlay-tamlay, kaya hindi ka makahigop ng mapapangasawa ay muling magniningning at sisigla sa sandaling palagi kang namamasyal sa mga lugar na malapit sa kalikasan.
At pangatlo, alalahanin mong ang mga tunay na ka-compatible mo ay silang mga isinilang sa zodiac sign na Cancer, Scorpio, Sagittarius, Gemini at kapwa mo Pisces, gayundin ang mga Virgo, higit lalo silang may mga birth date na 3, 12, 21, 30, 9, 18, 27, 6, 15, 24, 4, 13, 22 at 31.
Sa sandaling nasunod mo ang mga simpleng rekomendasyon sa itaas, tiyak ang magaganap sa taong 2023 hanggang 2041, sa mga piling buwan ng Setyembre hanggang Nobyembre, gayundin sa mapalad mong buwan na Pebrero hanggang Marso, at Hunyo hanggang Hulyo at sa edad mong 31 pataas, makakapag-asawa ka at habambuhay na magiging maligaya, hatid ng lalaking isinilang sa zodiac sign na Scorpio.




Comments