top of page
Search
  • BULGAR

Gusto makasigurado sa 2 dyowa, bebot swak kay Mr. Aquarius

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Inyong Numero | Pebrero 22, 2024




Dear Maestro,



Dalawa ang boyfriend ko ngayon, pero hindi nila alam na dalawa sila. Kaya ngayon, gusto ko nang magseryoso. 


Gusto kong malaman, Maestro, kung sino sa dalawang boyfriend ko ang mas ka-compatible at nararapat kong seryosohin at makasama kung sakaling mag-aasawa na ako? 


June 10, 2001 ang birthday ko habang ang dalawang boyfriend ko ay October 10, 1999 at February 7, 2000.  

 

Umaasa, 

Crystalyn ng San Roque, Cardona, Rizal 

 


Dear Crystalyn, 



Kung Western Astrology ang pag-uusapan, tunay ngang kapwa mo ka-compatible ang boyfriend mong si Libra na may birthday na October 10, 1999 at Aquarius na may birthday na February 7, 2000, sapagkat ang Aquarius at Libra ay kapwa tugma at compatible sa zodiac sign mong Gemini, dahil ang Libra, Aquarius at Gemini ay pare-parehong nagtataglay ng elementong air o hangin. 


Kaya kung Western Astrology ang tutugon sa tanong kung sino ang dapat mong piliin sa dalawang boyfriend mo na ito, maliwanag ang sagot, “Kahit sino sa kanila ay tunay ngang tugma at ka-compatible mo.” 


Subalit sa pagsusuring Numerology, lumalabas na ikaw ay may strong number na 1, habang si Mr. Libra na may birth date na 10 o 1 din (dahil ang 10 ay 1+0=1) ay nagkataong tulad mo na nagtataglay din ng strong number na 1. 


Ibig sabihin, kapareho mo ring strong number na 1 ang birth date ni Mr. Libra at dahil kapwa kayo nagtataglay ng strong number, posibleng kapag umusad na ang inyong relasyon, magaganap ang madalas na pagtatalo o hindi pagkakaunawaan dahil pareho kayong may pagkamayabang, ma-pride at ma-ego.


Dahil dito, sinasabing sa basic Numerology, kung pag-uusapan ang compatibility, ang talagang dapat na magkasama ay ang isang strong number at weak number upang balanse at mas magiging maligaya ang relasyon.  


Sa kaso ng dalawang boyfriend mo, ang birth date na 7 ni Aquarius ang mas ka-compatible mo talaga dahil ang numerong 7, na may ruling planet na Neptune-Moon ay isang weak number, kumbaga, mapasusunod mo siya sa lahat ng gusto mo habang patuloy ka naman niyang pagpapasensiyahan sa mga pagkaloka-loka mo at iba pang katangiang hindi tumpak. 


Ang ikinaganda pa nito, ang strong number mong 1 ay nagtataglay ng planetang Sun at tulad ng nasabi na, dahil Neptune-Moon ang planeta ng numerong 7, tunay ngang ang pagsasama ng Neptune-Moon at Sun ay sadyang magiging maunlad, maligaya at panghabambuhay.


Kaya kung naghahanap ka ng isang masaya at panghabambuhay na relasyon, wala kang dapat piliin kundi si Aquarius na may birthday na February 7, 2000, dahil siya ang higit mong ka-compatible sa aspetong Astro-Numerology, kaya sa piling ng nasabing lalaki, may pangako ng maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.  


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page