Gumawa ng speech ni P-BBM sa SONA tungkol sa fake news sa murang bilihin dapat sibakin
- BULGAR
- Jul 30, 2023
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | July 30, 2023
DAPAT SIBAKIN NI P-BBM ANG GUMAWA NG KANYANG SPEECH SA SONA PATUNGKOL SA FAKE NEWS NA MURANG BILIHIN -- Kung sinuman sa mga opisyal ng Presidential Communication Operations Office (PCOO) ang gumawa ng speech na siyang binasa ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) sa kanyang State of the Nation Address (SONA) nitong nakalipas na July 24, 2023, ay dapat tanggalin ito ng Presidente sa puwesto.
Mantakin n’yo, isinama sa ipinabasa kay P-BBM ang fake news na mura na raw ang presyo ng mga bilihing pagkain kahit hindi naman, na nagdulot tuloy para putaktihin ng batikos sa social media ang Pangulo, boom!
◘◘◘
PROMISE NG MALAYSIAN BUSINESSMEN NA MAG-I-INVEST SA ‘PINAS, MALABONG MATUPAD -- Sa pag-uwi ni P-BBM sa Pilipinas mula sa kanyang state visit sa Malaysia ay ibinida niya na nangako raw ang mga Malaysian businessmen na mag-i-invest umano ng negosyo sa Pilipinas.
Ganyan din ang mga ibinida ni P-BBM sa kanyang pagbabalik sa ‘Pinas mula sa mga bansang kanyang pinuntahan, na kesyo nangako raw ang mga foreign investor na magtatayo ng negosyo sa Pilipinas, pero hanggang ngayon, kahit isa ay wala pang natupad sa pangako, at wala pa ring foreign investors na nagtayo ng negosyo sa bansa.
Ang nais nating ipunto rito, ‘yung pangako ng mga Malaysian businessmen na magnenegosyo sa Pilipinas ay malabo ring matupad, kasi hindi naman sila tanga para magtayo ng negosyo sa bansa na pinamumugaran ng mga tax evader at mga kurakot, period!
◘◘◘
TIYAK NAGLUNDAGAN SA TUWA ANG MGA 'BUWAYA' SA P5.768-T NATIONAL BUDGET SA YEAR 2024 -- Aprub kay P-BBM ang isinumite ni Sec. Amenah Pangandaman ng Dept. of Budget and Management (DBM) na P5.768 trillion national budget para sa year 2024.
Dahil sa dami ng kuwartang ‘yan, tiyak ‘yung mga “buwayang” trapo (tradional politicians) ay naglundagan sa tuwa, boom!
◘◘◘
PAGBASURA NG KORTE SA MOSYON NG DOJ PATUNAY NA ‘MORO-MORO’ LANG MGA ISINAMPANG DRUG CASE KAY DE LIMA -- Ibinasura ng Muntinlupa City Regional Trial Court ang mosyon ng Dept. of Justice (DOJ) na ituloy ang isang drug case ni dating Sen. Leila de Lima, at dahil dito ay tuluyan nang naabswelto ang dating senadora sa isa niyang kaso na may kaugnayan sa droga.
Patunay ang desisyon na ‘yan ng korte, na mga moro-moro lang ang isinampang kaso laban kay De Lima, period!





Comments