Guidelines sa ayuda, dapat lang gawing madali at mabilis
@Editorial | August 7, 2022
Tuwing may kalamidad o iba pang public emergency, asahan nang kasunod nito ay ang pamimigay ng ayuda sa mga biktima.
Gayunman, may mga pagkakataon na hindi agad nakakarating ang tulong dahil sa iba't ibang kadahilanan.
Kaugnay nito, naglabas ng updated na guidelines ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pagpapatupad ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) na magpapabilis sa pagpapalabas ng tulong sa mga pamilya at indibidwal na nasa mahihirap na sitwasyon na nangangailangan ng agarang suporta.
Sa ilalim ng Memorandum Circular (MC) No. 15, pinasimple ang intake at eligibility forms at documentary requirements at pinahaba ang validity nito at inayos ang mga rate ng tulong at ang kaukulang mga awtoridad sa pag-apruba sa Central Office at Field and Satellite Offices.
Batay sa binagong guidelines, tatlong hakbang na lang ang kailangan ng kliyente para maka-avail ng anumang serbisyo at interbensyon sa ilalim ng AICS program — screening process, interview at release of assistance.
Kaya kung ang tulong pinansyal ay mababa sa P10,000, maaari na itong ibigay sa loob ng isang araw, habang ang higit sa nasabing halaga ay maaari namang ilabas sa loob ng tatlo hanggang limang araw, depende sa karagdagang pag-apruba ng nakatataas na pamunuan.
Mas mabilis na pamimigay ng ayuda, mas madaling makakabawi mula sa anumang kalamidad o sakuna.
Kung may pondo nga naman na, huwag nang itengga kundi ipamigay na agad.





Comments