Graft vs. Minglanilla Mayor, iba pang opisyal
- BULGAR

- 1 hour ago
- 2 min read
ni Jeff Tumbado @News | June 23, 2026

Photo: Mayor Rajiv Enad - FB
Pormal nang isinampa ng Office of the Ombudsman sa isang korte sa Cebu ang kasong graft laban sa suspendidong alkalde ng Minglanilla na si Rajiv Enad at iba nitong opisyales.
Bukod kay Enad kabilang din sa kinasuhan sina Vice Mayor Elanito Peña, mga konsehal na sina Oscar Cañares Dela Calzada Jr., Samuel Gordsin Adlawan Jr., Jesus Denoyo Velez, Jeremias Llanos Cañares, Jaime Secretarya Caumeran, Jenifer Dejan Lariosa, Proserfina Laput Fajutrao, Jenny Zafra Young, Petronilo Entera Traya at Rick Ryan Zafra, maging ang Municipal Administrator na si Junrie Casquejo Bragat, kaugnay ng umano’y hindi pag-apruba sa isang quarry rehabilitation plan.
Sa inilabas na pahayag nitong Lunes, Hunyo 22, sinabi ng Ombudsman na nakakita ito ng sapat na basehan o probable cause upang sampahan ng kasong paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act sina Enad.
Ang kasong kriminal ay inihain sa Regional Trial Court sa Naga City, Cebu at nag-ugat sa paulit-ulit na umano’y pagtanggi ng lokal na pamahalaan na aprubahan ang rehabilitation plan para sa isang lugar sa Sitio Napo, Brgy. Guindarohan, Minglanilla.
Ang pagsasampa ng kaso ay pinakabagong kaganapan sa usapin na nauna nang nagresulta sa isang taong preventive suspension kina Enad, Peña, at sa sampung konsehal simula noong Pebrero 2026.
Dahil sa suspensyon ng mga pangunahing halal na opisyal ng bayan, nagkaroon ng pansamantalang kakulangan sa liderato sa Minglanilla, kaya namagitan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) upang tiyakin ang tuloy-tuloy na paghahatid ng mga serbisyo ng pamahalaang lokal.
Alinsunod sa umiiral na patakaran sa succession, umupo bilang acting mayor ang noo’y First Councilor na si Lheslen Enad matapos masuspinde ang mga pangunahing opisyal ng bayan.





Comments