Grade 4, pinainom ng pampurga sa iskul, patay
- BULGAR

- Jul 13
- 1 min read
ni Janice Baricuatro @News | July 13, 2026

Photo: Hugo Perez Elementary School-Annex, Trece Martires City, Cavite - Circulated
Nanawagan ng hustisya ang pamilya ng 8-anyos na Grade 4 pupil matapos itong pumanaw isang araw matapos umanong painumin ng pampurga ng kanyang guro sa loob ng Hugo Perez Elementary School-Annex, Trece Martires City, Cavite kamakalawa.
Ayon sa ina ng biktimang si alyas Rex, ang class adviser nito umano ang nagbigay ng gamot noong Hulyo 2, 2026 bilang bahagi ng school deworming program.
Pumirma man umano ang pamilya sa waiver, kinuwestiyon nila kung bakit guro ang nagpainom ng gamot sa halip na mga magulang gaya ng nakasanayan.
Kwento pa ng ina ng biktima, pag-uwi ni “Rex” mula sa eskwelahan ay agad umano itong nakaramdam ng matinding pananakit ng ulo at tiyan at nagsuka.
Lumala ang kanyang kalagayan matapos lagnatin at makaranas umano ng pagdurugo ng ilong bago tuluyang pumanaw kinabukasan, Hulyo 3.
Hindi matanggap ng pamilya ang pagkawala ng bata dahil ayon sa kanila, malusog at masigla si “Rex” na mahilig sumayaw at mag-basketball.
Nanawagan sila ng autopsy upang malaman ang tunay na sanhi ng kanyang pagkamatay at mapanagot ang sinumang may pananagutan.
Samantala, nagpahayag naman ng pakikiramay ang DepEd Cavite Province at Hugo Perez Elementary School-Annex sa pamilya ng bata.
Ayon sa kagawaran, nakikipagtulungan sila sa mga awtoridad para sa masusing imbestigasyon at handa silang sumailalim sa anumang legal at administratibong proseso.
Patuloy pang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon upang matukoy kung may kaugnayan ang nainom na gamot sa pagkamatay ni “Rex.”





Comments