top of page
Search
BULGAR

Gov’t IDs lang ang dapat gamitin sa voter registration

ni Ryan Sison @Boses | Enero 13, 2024


Habang naghahanda ang bansa para sa midterm elections sa susunod na taon, itinakda na ang voter registration period mula February 12 hanggang September 30, 2024.


Ayon sa Commission on Elections (Comelec) target nila na makapagtala pa ng karagdagang tatlong milyong registrants para sa susunod na eleksyon na sa kasalukuyan ay mayroong 68 milyong registered voters sa ating bansa. 


Dahil dito, hindi na papayagan ng Comelec na magprisinta ng mga company identification card habang mga “government-issued IDs” na lamang ang kanilang tatanggapin para sa pagbubukas muli ng voters registration.


Pahayag ni Comelec Chairman George Garcia, kinakailangan na maunawaan ng mga kababayan kung paano magpaparehistro at kung anong mga requirement para sa registration. Meron silang ilalabas na mga amendments at guidelines sa pagpaparehistro, kung saan bawal na ang company ID at dapat ay government-issued ID lamang ang kanilang ipapakita. Giit ni Garcia na mahirap kasi na beripikahin ang mga inisyung company ID.


Ipapatupad din ng Comelec ang kanilang Register Anywhere Program (RAP) sa buong bansa, lalo na sa mga highly urbanized cities at munisipalidad o mga siyudad na kapital ng isang probinsya.


Paliwanag ni Garcia, kung isa kang residente ng Bicol at nagkataon na nasa Maynila, pupuwede nang magparehistro rito sa Maynila, habang sila na ang bahalang magbato sa registration nito sa kung saan talaga siya bumoboto.


Nagpapatuloy naman aniya, ang voter registration para sa mga Pinoy abroad hanggang sa September 30.


Tama na mga government-issued IDs na lamang ang ipiprisinta para sa voter registration.


Mas mainam itong pruweba o patunay ng isang indibidwal na siya mismong magpaparehistro sa pagboto dahil mayroon itong pirma at larawan niya, at kung minsan ay nilagdaan pa ang ID ng isang government official. Ganito rin naman ang hinihingi sa mga bangko at iba pang mga kumpanya dahil itinuturing itong legal na dokumento. 


Ang dami na rin kasing umaabuso na batid naman natin na maaaring magkaroon ng tinatawag na mass production ng napakaraming company ID.


Subalit, kung mga government-issued IDs na lamang gaya ng National Identification (ID) card ng PhilSys, Postal ID card, PWD ID card, Senior Citizen’s ID card, Driver’s License/Student Permit, Philippine Passport, Social Security System (SSS)/Government Service Insurance System (GSIS) o ibang Unified Multi-Purpose ID card at iba pa, ang maaaring gamitin sa pagpaparehistro sa pagboto, maiiwasan na ang anumang pamemeke ng dokumento.


Paalala lang sa mga kababayan na sundin natin ang ipinatutupad na patakaran ng kinauukulan para maging maayos ang sistema sa mga programa ng ating bansa.

 

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page