Goodbye Fb, TikTok atbp. sa 'di rehistradong SIM
ni Ryan Sison @Boses | April 27, 2023
Isinama ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang pagtanggal sa ilang serbisyo sa mga unregistered SIM card sa loob ng 90-araw na extension para sa kanilang pagpaparehistro.
Ayon kay Information and Communications Technology Secretary Ivan John Uy, ang mga subscriber na hindi makakapagparehistro ng kanilang mga SIM card sa panahon ng extension ay maaaring makaranas ng "unti-unting" pagkawala ng mga serbisyo sa kanilang telepono.
Sinusuri na aniya ang ilang mga opsyon na kanilang magagamit upang bigyan ng mga insentibo ang publiko para makapagrehistro.
Dagdag pa ni Uy, sinama na umano ang kondisyon na ito dahil base sa kanilang obserbasyon, hindi sineseryso ng karamihan ang deadline na kanilang ibinigay.
Nakikipag-ugnayan na ang DICT sa mga telcos hinggil sa proseso ng pagpaparehistro sa panahon ng extension.
Patuloy pa ring oobserbahan ang bilang ng mga magpaparehistro sa loob ng 30 o 60 araw, saka uumpisahan mag-deactivate ng ilang mga serbisyo sa SIM card.
Giit pa ni Uy, “Let's say after 60 days, you will lose your access to your Facebook accounts or your TikTok accounts. You can still use your phone, you can still call, you can still text and then after a certain period, you will lose your outgoing calls so that way, ramdam niyo kung ano effect na ‘di kayo nagpaparehistro.”
Nitong Linggo, Abril 23, mahigit 82 milyong SIM card ang nagparehistro o 49.31% ng kabuuang active SIM users noong Disyembre 2022. Sa kasalukuyan, mayroong 168,016,400 active SIM sa Pilipinas.
Sa 82 milyong registered SIM, mahigit 37 milyon ang Globe subscribers, mahigit 39 milyon ang Smart subscribers at mahigit limang milyon ang DITO subscriber.
Inaasahan ng DICT na magpaparehistro ang 70% ng mga aktibong SIM sa loob ng 90-araw na extension.
Marami ang sang-ayon at hindi natuwa sa balitang ito dahil para sa karamihan ay mahalaga ang kanilang mga Facebook account dahil nandoon ang iba nilang mga kailangan.
Para naman sa iba, maganda ang balitang ito upang sumunod ang karamihan sa takdang araw na ibinigay para magparehistro ng SIM.
Samantala, pananakot naman ang turing ng iba sa polisiyang ito para lamang sumunod sa kanila ang mga mamamayan.
Marahil ay dapat na sumunod na lang tayo at iparehistro na natin ang ating mga SIM cards upang hindi na ito maging sagabal sa ating mga buhay sakaling ipatupad ang pagtanggal ng Facebook at TikTok accounts.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments