Good news sa mga solo parent!
@Editorial | January 24, 2021
Bagama’t lahat ay apektado ng COVID-19 pandemic, masasabing may mga kababayan tayo na mas higit na nahihirapan lalo na silang mga nawalan ng mapagkakakitaan.
Ganundin ang mga tatay o nanay na wala nang katuwang sa pagtataguyod sa mga anak — maaaring sumakabilang-buhay o sumakabilang-bahay ang asawa o basta naghiwalay at wala nang maasahang tulong.
Kaya napakalaking tulong kung maaaprubahan ang dagdag-benepisyo para sa mga solo parent.
Sa ilalim ng House Bill 8097 na ngayo’y lusot na sa huling pagbasa sa Kamara, magkakaroon ng 10 percent discount at 12 percent value-added tax (VAT) exemption sa mga gatas at diaper ng mga batang tatlong taong gulang pababa, na anak ng kwalipikadong solo parent.
May diskwento rin sa damit, gamot, bakuna, medical at dental services ng mga batang anim na taong gulang pababa. Pati ang mga gamit sa iskul ay puwedeng diskwentuhan, hanggang sumapit ang anak ng 21-anyos. Kabilang sa kuwalipikasyon ay kung kumikita ang solo parent ng P250, 000 kada taon o kulang P21, 000 kada buwan.
Mayroon ding pitong araw na bayad na leave ang mga solo parent na nagserbisyo sa employer ng hindi bababa sa anim na buwan.
Dapat ding pagkalooban ng scholarship program ang mga kuwalipikadong solo parent, at full school scholarship ang isang anak nito.
Maraming pang nakasaad sa panukalang-batas na kung maaaprubahan ay talaga malaki ang maitutulong
Aminin natin, kung ang mag-asawa nga na kapwa may trabaho ay kinakapos sa mga gastusin, paano pa ang solo parent? Paano pa silang nawalan ng trabaho ngayong pandemya? Silang nagkasakit pa at kung kani-kanino na lumalapit hanggang sa malubog na sa utang.
Gayunman, tulad ng iba pang mga batas, kailangan pag-aralan din itong mabuti. Tiyaking kakayanin ng gobyerno at masisigurong karapat-dapat na solo parent ang mapapabilang sa mga benepisaryo.



Comments