top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Good news sa mga manggagawa sa Metro Manila

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 2, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | July 2, 2024



Boses by Ryan Sison


Good news para sa lahat ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).

Inaprubahan na kasi ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang P35 na dagdag sa daily minimum wage ng mga manggagawa sa NCR, na itinaas mula P610 ay magiging P645.


Ito ang inilabas na desisyon ng National Wages and Productivity Commission nitong Lunes, kung saan magiging epektibo 15 araw matapos mailathala ang order sa mga national daily newspaper.


Ang pinakahuling desisyon ay kinumpirma naman ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ang opisyal na kopya ng order ay ilalabas sa loob ng naturang araw.


Nauna rito, nitong Hunyo ay nagsagawa ng open forum ang RTWPB-NCR kasama ang iba’t ibang stakeholders hinggil sa isinusulong na dagdag-sahod.


Magugunitang, ang huling minimum wage increase sa NCR ay ipinatupad noong July 16, 2023 na P610 para sa non-agricultural sector habang P573 para sa agriculture sector.


Gayunman, P40 lang ang umento na ayon sa mga manggagawa ay hindi pa rin sapat para makasabay sa presyo ng mga bilihin.


Una na ring iniutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang pagrepaso sa minimum wage rates sa bawat rehiyon.


Mabuti at narinig din ang hinaing ng mga manggagawa na hirap pagkasyahin ang kanilang sahod dahil sa sobrang taas ng bilihin at bayarin.


Maliit man ito kung maituturing, kahit paano ay makatutulong pa rin sa pang-araw-araw na pangangailangan at gastusin ng mga kababayan at kanilang pamilya.


Hiling lang natin sa kinauukulan na bukod sa pagpapatupad ng dagdag sa sahod ng mga manggagawa ay matugunan sana ang problema ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, bayarin at iba pa. Sana ay makaisip kayo ng paraan na talagang ito ay mareresolbahan, hindi ‘yung tila band-aid solution lamang dahil patuloy na umaasa ang mga mamamayan na totoong maiaahon ang bansa mula sa kahirapan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page